Klarisse, na-challenge

Ang seryeng The Secrets of Hotel 88 ang first acting project ng Kapamilya singer na si Klarisse de Guzman after Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition at dito raw niya talaga nadiskubre na kaya niya palang umarte.
“Na-discover ko na kaya ko pala kahit papaano kasi even sa loob ng PBB, sobrang nag-struggle ako ‘pag may mga task na kailangan umarte, natatawa ako. Lahat naman sila may experience na, ang gagaling child stars so paglabas, kaya ko naman pala kahit papaano. Though, siyempre nakaka-challenge din,” saad ni Klarisse sa media conference for the mid-season of The Secrets of Hotel 88 last Tuesday.
Pero aminado naman din siyang sa umpisa talaga ay nahirapan siya at naging isang napakalaking challenge sa kanya ang pag-arte.
“Nung una nahirapan talaga ako. Nahirapan akong mag-memorize, nahirapan ako sa ibang emosyon pero natuto din ako sa kanilang lahat. Nagpapatulong ako kung paano ‘yung ganito, ‘yung ganyan, humingi ako ng technique sa kanila,” sey niya.
Na-realize nga rin daw niya na ang pag-arte ay para ring pagkanta when it comes sa paglalabas ng emosyon.
“Kaya siguro somehow medyo nakakaarte din ako kahit papaano kasi kapag kumakanta tayo, para na rin tayo umaarte. ‘Di ba ‘yung kinakanta natin, kailangan maramdaman ng audience natin? So ganun din. Siguro, for some reason na-apply ko rin siya sa acting ko,” paliwanag niya.
When asked kung tatanggap pa ba siya ng acting projects, aniya, ‘‘why not naman kung may dadating na opportunity ngayon lalo na nae-enjoy ko na talaga ang acting.”
Bukod sa The Secrets of Hotel 88, nakagawa na rin ng dalawang pelikula si Klarissse after her PBB stint – ang Call Me Mother and Bar Boys: After School.
Samantala, kasalukuyang napapanood ang The Secrets of Hotel 88 sa iWant at sa primetime slot ng GMA 7. Mas marami pa raw rebelasyon na mapapanood at mare-reveal sa mid-season ng serye.
A collaboration between ABS-CBN and GMA, kasama rin sa nasabing drama-mystery series sina Mika Salamanca, Brent Manalo, Will Ashley, Ralph de Leon, Esnyr, AZ Martinez, River Joseph, Dustin Yu, Bianca de Vera, Xyriel Manabat, Josh Ford and Kira Balinger.
- Latest




















