Barbie, super supportive sa kanyang BB!

Layag na layag na ang relasyon nina Richard Gutierrez at Barbie Imperial.
Sa isang post kahapon ay nagpasalamat si Richard sa kanyang ‘BB’ na may congratulatory post na magkasama sila sa photo.
Panalo ang team ni Gerald Anderson, The Third Floor, sa ginanap na Bida sa Arena na ang isa sa mga miyembro ng team ni Gerald ay si Richard.
Nakalaban nila ang team ni David Licauco.
Ang daming pumuso sa sweet moments nila na tinawag ni Richard ang girlfriend na cheerleader. “Thank youu my cheerleader!” aniya sa caption.
TV5, may pasabog sa Star Worx
Ngayong araw, May 5, magkakaroon ng hard launch ang talent arm ng TV5, ang Star Worx.
Dati itong MQAA Artists Agency — na pinamumunuan ni Manny V. Pangilinan.
Magbabago ito ng tatak, Star Worx, sa ilalim ng pamumuno ng batikang Star Maker na si Johnny Manahan na nagpasikat ng napakaraming artista sa kasalukuyan.
Bago ipakilala ang 16 talents, sumailalim muna sila sa intensive personality and acting workshop.
Naniniwala ang Star Worx na ang mga artista ay hindi lumilitaw, sila ay ‘binubuo’. Na kapag ‘nagtrabaho’ ka, nagiging isang bida ka.
Na totoo naman, walang sumikat na nakaupo lang.
Pero higit sa lahat, dapat maayos ang ugali mo. Na ayon kay Johnny Manahan na nakaukit na ang pangalan sa pagdiskubre ng mga sikat, ang mabuting ugali ang palaging prayoridad niya pagdating sa pagpili ng mga personalidad na may potensyal na pumasok sa showbiz.
Maalalang pumirma si Mr. M ng kontrata sa MQuest Ventures at MQAA late last year, at bahagi ng kontrata na alagaan ang susunod na sisikat at may pag-asang magkaroon ng magandang ambag sa showbiz.
Binigyan siya ng free hand ng talent arm ng kumpanya ni Mr. Pangilinan kung saan nga pinalitan niya ang MQAA to Star Worx.
At bilang isang star maker, mortal sin sa kanyang ang pagiging late.
“Bawal ang late. Dapat kang makarating sa set sa oras at kailangan mong maging handa para sa trabaho,” aniya noong November nang ipakilala officially bilang bahagi ng TV5.
“Bawal magsigarilyo. Bahala kayo kung anong gagawin ninyo sa bahay pero kapag kasama ako, walang naninigarilyo,” dagdag pa niya.
Para kay Mr. M. ang isang ‘star’ ay isang taong kayang makuha ang atensyon ng publiko.
“What is a star? A star is someone who can capture your attention, drive you crazy, and who can separate you from your well-earned money. That is a star,” sabi niya that time.
‘Yun daw tipong magbabayad ka sa artista at sila ang magdidikta kung magkano.
May pagbabago kaya sa kasalukuyan na iba na ang sistema sa paggawa ng TV shows at pelikula? Na ang karamihang fans ay social media-based na.
Malaking event ngayong araw sa TV5 ang launching ng Star Worx at may coverage ito sa lahat ng platform ng MVP Group.
Sa 16 na ipapakilala ng Star Worx, ilan kaya sa kanila ang magiging Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Piolo Pascual, Claudine Barretto at iba pa?
Malaking bahagi si Mr. M ng Star Magic ng ABS-CBN at Sparkle ng GMA 7, at ngayon ay sa Star Worx ng TV5.
DonBelle, ibang side ang ipinakita
Isang romantic drama film ang unang handog ng Star Cinema ngayong 2026 na magpapakita ng bagong side nina Belle Mariano at Donny Pangilinan na itinuturing nilang ang pinaka-tapat nilang pelikula, ang Tayo Sa Wakas sa direksyon ng box-office at acclaimed director na si Cathy Garcia-Sampana. Mapapanood na ito sa mga sinehan sa bansa simula Mayo 27 (Miyerkules).
Iikot ang kwento nito kina Cheska (Belle) at Cisco (Donny), isang long-time couple at matagal na naging partners sa buhay at karera na ngayon ay haharapin kung paano nga ba sila napunta sa iba’t ibang direksyon nang dahil sa ambisyon.
Sabi ni Direk Cathy, “It’s a trip of two people para alamin kung talaga bang sila ay dapat matapos na o magpatuloy pa. I can say it’s about someone who wants to reach a dream, pero ano ang gagawin mo kung ang kalaban mo sa pag-abot ng pangarap na yun ay yung taong mahal mo.”
Tampok sa pelikula ang mas mature at makatotohanang pagganap nina Belle at Donny ayon sa writer nito na si Vanessa Valdez.
Aniya, “It shows something more complex, and mas mature yung roles nila rito pero at the same time also very grounded.”
Samantala, nagpahiwatig naman si Donny na makikita sa pelikula ang isang couple na tatahakin ang iba’t ibang seasons of love sa kanilang relasyon.
“You’ll start with the kilig, the honeymoon phase, then you go to the realization that you become familiar with each other and doon na ‘yung problems na mag-aarise. So I think it’s a combination of all our characters in different stages of their lives,” kwento ni Donny.
Ang Tayo Sa Wakas ang magiging huling proyekto nina Belle at Donny bilang loveteam, at naniniwala si Belle na ito ang perfect film na magpapakita kung paano sila nag-grow sa mga nagdaang taon ng kanilang pagsasama.
Paliwanag ni Belle, “Donny and I have been vocal about it na we just don’t wanna be DonBelle, we also wanna be Donny and Belle. I feel like this is the perfect project for it since it shows so much growth and maturity and it requires so much authenticity from the both of us.”
Kasama rin sa cast ng pelikula sina Epy Quizon, Joross Gamboa, River Joseph, Jaime Fabregas, Epy Quizon, Yayo Aguilar, Allan Paule, Matthew Mendoza, Emilio Daez, June Hinundum, at Miah Canton.
Magkakaroon ng global screenings ang Tayo Sa Wakas (Us In The End) sa Australia at New Zealand simula Hunyo 11, sa US, Canada, at Guam simula Hunyo 12, at sa Hong Kong at Macau simula Hunyo 20. Magkakaroon din ito ng screenings sa mga sinehan sa Middle East, Singapore, Malaysia, at Taiwan.
Samahan sina Cheska at Cisco sa kanilang paglalakbay sa Tayo Sa Wakas, na mapapanood na sa mga sinehan simula Mayo 27 (Miyerkules).
- Latest




















