Robi, emosyonalsa pagbubuntis ng misis

Andaming masaya para sa mag-asawang Robi Domingo and Maiqui Pineda na isinapubliko na magkakaanak na sila after two years of marriage.
Sa isang video post nga ay ipinakita nilang last September nila nalamang magkaka-baby na sila.
“Two years married… and now our greatest blessing is on the way. Happy 2nd anniversary! We’re ready to give you all our love?,” sabi nila sa caption ng kanilang post na ikinagulat din ng kanilang mga kaibigan.
Maaalalang diagnosed na may dermatomyositis ang misis ni Robi, isang bihirang sakit na autoimmune na nagdudulot ng panghihina ng kalamnan, pamamaga, at mga pantal sa balat, na inamin nila noong 2023, pero last December 2024 ay sinabi nilang nasa clinical remission si Maiqui na ibig sabihin ay halos hindi na mapapansin ang mga sintomas ni Mrs. Domingo.
Donny at Kyle, may mga rebelasyon!
Pasabog agad ang pagpasok ng bagong taon para sa Roja matapos ilabas ang mid-season trailer tampok ang umiigting na bakbakan nina Donny Pangilinan at Kyle Echarri sa action series, na napapanood na rin sa Kapamilya Channel sa ALLTV2. Nakamit din nito ang bagong all-time high online record matapos makakuha ng 541,446 peak concurrent viewers o sabay-sabay na nanood sa Kapamilya Online Live noong Lunes (Enero 5).
Kaliwa’t kanan na rebelasyon na aabangan sa serye, na kasalukuyang nasa listahan din ng Top 10 TV shows sa Pilipinas sa Netflix at iWant, dahil desidido nang magsanib-pwersa sina Liam (Donny) at Olsen (Kyle), kasama ang kaibigan na si Luna (Maymay Entrata), para tulungan ang mga pulis na pabagsakin ang mga hostage-taker ng La Playa Roja resort upang makatakas ng buhay ang mga natitirang biktima.
Kasing tindi rin ng bakbakan ang mga plot twist dahil masisiwalat ang malaking iskandalo nang pagbintangan ni Greta (Lorna Tolentino) ang matalik na kaibigan na si Wendy (Janice De Belen) na mang-aagaw sa kanyang asawang si Magnus (Raymond Bagatsing). Sa pag-usbong nito, lilitaw rin ang mga hinala hinggil sa tunay na pagkakakilanlan ng ama ni Olsen, ang anak ni Wendy.
Pero hindi lang sa asawa magkakaroon ng problema si Greta dahil lalakas ang paghihinala ng anak nitong si Liam sa tunay na motibo ng kanyang ina nang mahuli ni Liam si Greta na palihim na nakikipag-usap sa hindi pa kilalang indibidwal sa telepono.
Sa kabilang banda, magkakagulo rin sa kampo ng mga hostage-taker dahil sa lider na si Emil (Joel Torre). Madadala kasi si Emil sa kanyang kahibangan para patayin si Magnus bilang ganti sa panlolokong ginawa nito sa kanyang anak noon, at magdadalawang-isip naman ang sariling mga tauhan ni Emil na nais nang sumuko sa mga awtoridad.
Sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga biktima, makakahanap pa kaya sina Liam at Olsen ng paraan para makaligtas? Paano nila haharapin ang mga paparating na rebelasyon na gugulat sa kanila?
MMFF movies, tuloy ang showing
Extended for a week ang 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) ayon kay Metropolitan Manila Development Authority/MMFF Chair Atty. Don Artes.
Ayon sa video post ni MMFF Spokesperson Noel Ferrer, kinumpirma ni Chair Artes na mas dumami ang nanonood ng sine pagkatapos ng bagong taon kumpara noong nakaraang taon kaya nag-decide silang i-extend ito. “So, the showing of MMFF51 fillms will be extended for one more week - including the use of the MMFF Season Passes,” sabi pa ni Atty. Artes.
Sabagay ang gaganda ng word of mouth and review ng official entries Call Me Mother, Shake Rattle & Roll: Evil Origins, UnMarry, Bar Boys: After School, Love You So Bad, I’mPerfect, Manila’s Finest at Rekonek.
Wala pa rin namang ibinibigay na box-office ranking ang MMDA pero base sa records ng mga sinehan, number 1 talaga ang Call Me Mother starring Vice Ganda.
- Latest




















