Bitoy, ayaw manira!

MANILA, Philippines — Nagkagulo ang Internet matapos ipasilip ng Bubble Gang ang pinakabagong spoof ni comedy genius Michael V. bilang Ciala Dismaya!
Hindi maikakaila ang pagkakahawig niya sa kontrobersyal na personalidad na mainit na pinag-uusapan ngayon. Kaya naman, inaabangan na ang parody segment na ito na mapapanood sa Bubble Gang ngayong Linggo.
Pero ano ang unang reaksyon ni Bitoy nang mapansin ng lahat ang kanyang look-alike?
“Actually una kong napansin kaagad ‘yan sa Senate hearing. Ako mismo napansin ko na. Parang kamukha ko siya. Parang konting effort na lang magagaya ko na siya,” sagot ng comedy legend habang natatawa.
Aminado si Michael V. na naisip niyang gawin ang skit dahil sa matinding demand mula sa publiko. Sabi nga ng mga netizen, “They heard us!” Ayon kay Bitoy, “Hindi ko muna inisip na gayahin right away. Pero dahil sa dami ng messages na nagpa-flood sa feed ko, binato ko na agad sa creative team ng Bubble Gang. And they had the same idea rin pala.”
Noong Lunes, Setyembre 8, unang inilabas ng Bubble Gang ang teaser ng sketch at agad itong nag-viral. “Nagulat ako dahil nakatalikod pa lang, ‘di pa nga nila nakikita ‘yung mukha, na-excite na agad ‘yung mga tao. Abangan ninyo this Sunday, mas lalo kayong matutuwa sa inihanda namin,” pagbabahagi ni Bitoy.
Dagdag pa ng comedy icon, siguradong makabuluhan, may impact, at siyempre, nakakatawa ang parody na ito, “Kung ano ‘yung issue sa Senado, ‘yun din ang issue na tinackle namin. Pero as usual with the Bubble Gang formula, kailangan ilihis mo ng konti at humorous siya. Ang attempt namin ay hindi para manira ng tao kundi para magpatawa ng mga tao.”
Mapapanood ang pagharap ni Ciala Dismaya sa hearing sa Bubble Gang, ngayong Setyembre 14, 6:10 p.m. sa GMA Network.
- Latest
























