Heaven, lito kina Joseph at Marco

MANILA, Philippines — Na-witness namin sa Araneta Coliseum kung paanong tinilian din ng fans ang bagong tambalan nina Jerome Ponce at Heaven Peralejo. Nagpakita kasi ng ilang snippet scenes mula sa malapit nang ipalabas na historical romance drama nilang I Love You Since 1892 (ILYS1892) during the Vivarkada Ultimate Fancon and Grand Concert.
Cute naman kasi ‘yong scene na sinalo ni Juanito (Jerome) ang pasaway na si Carmela (Heaven) na tumatakas sa bintana.
Maski ang ka-love triangle nila na si Joseph Marco ay tinilian din. Mas malakas nga lang ang tili sa kanya sa ibang segment ng show, noong nag-sexy number ang boys ng Viva at bukod-tanging siya lang ang nag-topless para ibalandra ang kanyang toned abs.
Kaya naman natanong namin si Heaven kung paano niya ide-describe ang dalawang bagong leading men niya off-cam, na nagsisilbing first project din niya after ng breakup nila ni Marco Gallo.
“Si Jerome po, makulit, pilyo, gentleman, laging nagbibigay ng advices, wise siya and simple siya,” pag-e-enumerate ni Heaven sa mga katangian ni Jerome.
“Saka funny din siya. Iba ‘yong sense of humor ni Jerome, e. Magulo ‘yong sense of humor niya, Haha!
“Si Joseph naman, makulit din. Hindi ko alam na makulit siya,” natatawang say naman niya about Joseph na nagkataong Marco ang apelyido.
Habang nagsasalita nga si Heaven ay panay hirit ni Joseph na MarVen din daw sila ni Heaven. MarVen ang tawag sa on-and-off-cam loveteam na nabuo nina Marco at Heaven noon. Madalas kasi ay Marco ang naitatawag kay Joseph, maski ng press.
Pero may point naman siya na MarVen din sila ni Heaven dahil Marco nga ang last name niya. Haha!
At press time, nakaka-10 taping days pa lang daw ang ILYS1892. Pero meron na silang pwedeng ipalabas sa pilot week nito na magsisimula on Sept. 6 sa Viva One.
Helmed by Mac Alejandre, ang love story na ito set in the 1800s ay mula sa malikhaing imahinasyon ng manunulat na si Mia Alfonso na naisulat at nai-publish niya sa Wattpad when she was only 19 years old. Bongga ‘di ba?
Roderick, takot mawalan ng ina!
Gaya ng character niya sa pelikulang Mudrasta: Ang Beking Ina, matagal-tagal na ring nag-iisa sa buhay ang comedy icon na si Roderick Paulate. Tanging source of joy niya ay ang presence ng kanyang mga pamangkin na hinihiram lang niya sa mga kapatid niya.
At aminado siyang sa punto na ito ng buhay niya ay tanggap na niya ang sitwasyon at hindi na naghahanap pa ng makakasama sa buhay.
“Noon gusto ko,” pag-amin niya. “Kumbaga, nangarap na gaya no’ng iba, mag-asawa, ‘yong iba may makasama... pero sa ngayon kasi parang p’wede pa ba? Ayoko nang isipin.”
“But aaminin ko sa inyo na there are nights, malungkot talaga,”seryosong pagpapatuloy niya. “Meron akong gano’n [na moments]. Buti nalang may mga pamangkin ako. Nasa akin sila Friday, Saturday, Sunday. Kaso naiinis ako ‘pag aalis na nga...
“Kaya minsan naiisip ko, dapat ba nag-asawa ako? Wala man lang nakakaalam kung may migraine ako, wala man lang nakakaalam kung may ganito ako... Buti pa si Carmi [Martin], inaalam niya. ‘May migraine ka ‘no, namumula mata mo?’ Pero ‘pag pag-uwi mo, wala na, mag-isa ka.”
Naranasan naman niyang makipagrelasyon nang mahaba. Pero ika nga, ‘pag hindi ukol ay hindi bubukol.
“Dumating sa point na parang hindi tama lagi, e. Tapos nawalan pa ako ng nanay... mula noon, ‘di na ako naghanap. Kumbaga, kung meron, meron, kung wala, wala.
“Pero nalulungkot pa rin ako ‘pag gabi... lalo na ‘pag maylagnat ka. Para may nakakaalam man lang. Hindi ko pa naman ugali magsabi... there was a time na nag-high blood ako, nagpa-check up ako. Hindi alam ng pamilya ko. Hindi ako masumbong,e.
“Parang ayoko na rin silang istorbohin kasi nga, kilala ko rin mga kapatid ko. Kahit youngest ako, alam ko ako ‘yong pinakamatapang sa lahat. Lahat nerbiyoso lalo na pagdating sa health.”
May pagkakataon pa nga raw na naaksidente siya sa may Kamias-Anonas area na kung s’ya lang ang masusunod ay ayaw na niyang ipaalam sa pamilya.
Hindi raw niya naiisip ang relasyon noon dahil sapat na sa kanya ang Mommy niya. Hindi niya nai-factor in na maaaring bawiin ito sa kanya anytime.
Without his mom, nasanay na siyang nagso-solo sa buhay.
“Ang importante doon, gawin mong masaya ang buhay mo. Saka ‘yong pananampalataya mo... kailangan meron kang source, e. Mahirap ang taong walang Diyos. Kailangan may nagga-guide, meron kang minamahal, meron kang kinatatakutan. Kasi kung wala ka noon, mas mahirap lalo mag-isa.
“Ngayon okay ako. Pag nalulungkot ako, tawag lang ako. Pagmay nangyayari, dasal lang ako. Kasi wala naman akong ibang kakapitan, e, kundi Siya.
“So, nabubuhay ako araw-araw na kasama ko Panginoon. Siya na lang ‘yong bahala sa akin. I have no choice, I’ve to entrust my life to Him.”
Showing na nga pala ang laughtrip pero ma-drama ring Mudrasta in cinemas nationwide. At nakakuha pa sila ng magandang deal sa ilang piling SM Cinemas na babaan ang presyo ng tickets—P275 nalang sa Metro Manila at P230 sa mga probinsya; gayundin sa ilang piling Ayala Malls cinemas—P275 sa MM at P250 sa provincial branches.
- Latest























