Roderick Paulate, choosy na

Kahit napakahusay ring magdrama ni Roderick Paulate, talagang nakamada na niya nang husto ang comedy roles, particularly comedic gay role. Talaga namang he lorded it over noong ‘80s and ‘90s at minamana na lang ng mga nagsusulputang new talents.
Pero hindi naman komo ‘yon ang forte niya ay tanggap na lang siya nang tanggap, especially now na isa na siyang icon. Kumbaga, hindi na pera-pera ang usapan. Mas mahalaga na sa kanya ngayon ang story.
Sa katunayan, habang nagpe-presscon ang bago niyang pelikulang Mudrasta: Ang Beking Ina, ay kakatanggi lang daw niya sa ilang alok.
“Sa tingin ko hindi ko magagawa,” panimulang esplika niya. “Hindi ko magagalingan. Hindi ko mape-perform... parang wala akong mako-contribute. Parang magiging walang saysay ‘yong existence sa ganun. Parang palamuti lang or dahil lang marunong akong mag-comedy. Marami ‘yon, ha,” kuwento niya pa.
“Marami akong nahindihan na comedy films, kung tutuusin, kailangan mo rin naman ng pera ‘di ba? Dapat inoohan ko na lahat ‘yon. Sayang din. Pero nagpapakatotoo lang ako. Pang-enrollment din ng mga apo ko ‘yon.
“Pero hindi, e. Hindi naman pwedeng sayangin mo lang ‘yong journey mo na tinahak mo sa industiya tapos sisirain mo dahil kailangan mo lang nito. Kung kaya mo pa namang magtiis, magtiis ka. Basta tama lang. Hindi ka naman pababayaan ng Diyos, e.
“Pero ‘yong dahil lang doon [sa bayad], ginawa mo ‘yon tapos sasabihin n’yo, ‘Ampangit naman!’ Ang dami pa namang suplada [sa press],” mahaba-haba niyang kuwento.
At this point in his career, wala na raw siyang dream role. He just knows a good one once it arrives.
“Like eto, hindi ko naman akalain na magiging mudrasta ako,” patukoy niya sa new movie niya. “Sabi lang ni Lord, ‘Gawin mo ‘yan.’ Wala akong, ‘Gusto ko naman lawyer ako o aktibista ako.’ Wala akong gano’n. Kung ano ‘yong dumating. Naniniwala ako na ‘pag may dumating tapos naramdaman mo... pwede mo namang i-enhance ‘yon lalo na kung collaborative ‘yong direktor mo, open ‘yon producer...”
Kung nagkaroon man daw siya ng mga dream roles ay noon ‘yon, noong mga panahong namamayagpag siya sa poder ni Mother Lily Monteverde sa Regal Films.
“Dati meron, hindi naman binigay ni Mother Lily... ‘yong istorya ng Dog Day Afternoon ni Al Pacino,” pag-aalala niya.
Ang Dog Day Afternoon ay ang 1975 bank heist movie ni Al Pacino, kung saan ang pumalpak na pagnanakaw nila ay nauwi sa hostage-taking. All these just to get money para sa sex-change surgery ng boyfriend niya played by Chris Sarandon.)
“Tapos ino-offer rin sa kanya ‘yong Mr. Destiny...’yong nangarap, ‘yong nagdasal sa Diyos? Hindi rin niya in-approve. Masyado daw seryoso. ‘Baby, hindi hindi tayo gagawa pera diyan, walang pera diyan. ‘Wag na ka serious -serious ‘noh! Pera muna ‘noh,’” panggagaya pa niya sa namayapang producer.
Ang Mr. Destiny naman ay isang comedy fantasy na pinagbidahan ni Jim Belushi noong 1990, kung saan galit sa mundo ang bida at bine-blame niya ito sa palpak na baseball games niya noong kanyang kabataan. Tingin niya, doon nagmula ang mga kamalasan niya. Binigyan siya ng guardian angel niya ng chance na baguhin ang nakaraan but not without consequences.
“Hindi ako nakagawa. Sabi ko, ‘Mother, paano ‘yan, gusto ko ring umarte...’” patuloy niya. “’Hindi na ‘no, isip muna pera ‘noh!’ Syempre gusto ko ring mag-Marilou [Diaz-Abaya], mag-Joel [Lamangan], lalo na si Direk Ishmael Bernal. ‘Yong mga gano’n. Pero no’ng pinaalam nila ako, hindi ako ibinigay ni Mother.”
Gets na gets daw n’ya that time ang wisdom ni Mother Lily na siya rin namang nag-akyat sa kanya sa tugatog ng tagumpay.
But aware siyang nag-iiba na ang panahon at dapat ay sumasabay o uma-adjust din siya kaya mas mapili na siya sa mga gagampanan.
Samantala, ang kanyang latest offering, ang Mudrasta: Ang Beking Ina ng CreaZion Studios, ang magsisilbing balik-tambalan nila ng kanyang 1999 MMK Wristwatch episode leading man na si Tonton Gutierrez. Mapapanood na ito on Aug. 20 in cinemas nationwide.
- Latest

























