Ruby Ruiz, gustong maging ala-Dolly

Umaasa ang veteran actress na si Ruby Ruiz na magkakaroon siya ng Hollywood agent upang magtuluy-tuloy ang career sa Amerika.
Pagkatapos nga ng series na Expats with Nicole Kidman, may mga natanggap siyang offer upang mag-audition pero wala nga siya sa US.
“Wala pa akong agent. That’s why Dolly (de Leon) is so blessed. She’s so fortunate,” sabi ni Ruby.
At may plano raw siyang kumuha talaga.
“Oo. Meron talaga. Kasi may mga pinag-usapan kami ni Nicole na mga projects. Hindi tuloy nabibigay sakin kasi wala nga akong agent. Kasi doon, hindi sila makikipag-ano sa artista kung walang agent,” dagdag pa niya kaya kailangan daw na magkaroon siya ng agent.
Sa ngayon ay gusto muna niyang mag-stay sa Amerika kahit sandali kasabay ng paghahanap ng agent.
Pero kumusta po ‘yung health ninyo?
“So far, okay naman. Meron na akong maintenance for high cholesterol. Pero okay, ‘yung puso, okay ‘yung lungs. Okay na okay. So far po, thank you, God. Tsaka sa akin, importante ‘yung memory and the ability to still empathize and to be in a routine. Kasi kapag matagal po ako napapahinga. Kelan ba ‘yung may ginawa ako recently, ‘yung matagal ako na napahinga, parang two months,” sabi niya pero aniya ay naghinay-hinay rin siya noong minsan.
Samantala, noong Biyernes ay lumipad sa Australia si Ruby para sa premiere ng pelikula niyang First Light, na official entry sa Melbourne International Film Festival.
Last year pa nila ito natapos na kinunan sa liblib na kabundukan ng Pilipinas at sinusundan ang kuwento ng isang matandang madre na pinilit na harapin ang misang pangyayari sa isang institusyong inilaan niya ang kanyang buhay pagkatapos mamatay ang isang batang construction worker.
Isinulat at idinirek ito ni James J. Robinson, ang pelikula ay isang malalim na personal na kuwento na nagbibigay-diin sa tulay sa pagitan ng tungkulin, pananampalataya, at kapangyarihan ng institusyon.
Unang major leading role ito ni Ruby Ruiz kasama sina Maricel Soriano, Rez Cortez, Soliman Cruz, at National Artist for Film Kidlat Tahimik.
Aniya ito ay Fil-Australian collaboration sa pelikula.
Kasalukuyan din siyang napapanood sa Sins of the Father. “Tinanggap ko siya kahit one of the ano lang ako, victim. Nagulat sila, tinanggap mo? Oo, bakit, kasi ganun ako. Oh ‘yun, unang taping, kunwari. One line lang ako pero ginalingan ko, eh di ngayon, semireg na ako. Ibig kong sabihin, ang ano ko doon, prinsipyo behind it, kahit na maliit lang ‘yung role. There’s no small roles kasi kahit na maliit na roles bigyan mo ng ano dahil pinagpaguran din naman nung nagsulat ‘yun at pwede naman ibigay sa iba, sa’yo binigay. E di pangatawanan mo nang maayos,” katwiran ng aktres.
Inulit namin ang tanong kung may natatanggap kayo ngayong mga offer or may audition?
“Meron, kaya lang disadvantage din na nandito ako. Tapos, meron isang project, halimbawa, na dapat doon ako. Pero sa iba naibigay, dahil wala ako doon. Talagang hinayang na hinayang ako doon. Kasi one, you don’t have an agent. Two, by the time na nakarating sakin ‘yung email, it was too late. He already casted another one,” pag-amin ni Ruby na abala ngayon sa pagpo-promote ng pelikulang Outside de Familia na pinagbibidahan nila ng stage actress na si Sheila Francisco with Gelli de Belen among others, written and directed by Joven Tan, produced by Gridline Film Productions of Ana B.C. at mapapanood sa mga sinehan simula sa Aug. 27.
- Latest






















