KMJS, no. 1 noong 2024!
MANILA, Philippines — Ipinagdiwang ng Ang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), ang multi-awarded public affairs program ng GMA Network, ang ika-20 anibersaryo nito bilang most-watched na TV show sa Pilipinas noong 2024, na may bilyun-bilyong views sa mga online platform.
Batay sa Nielsen TV Audience Measurement mula Enero hanggang Disyembre 2024, nakapagtala ang KMJS ng pinagsamang (GMA/GTV/Pinoy Hits) people rating na 14.3 percent sa kabuuang Pilipinas (pinagsamang Urban at Rural).
Nanguna rin ito sa ratings ng mga indibidwal na programa kada channel noong 2024, kung saan umabot ito ng 12.9 percent sa GMA lamang para sa Total Philippines.
Sa Urban Philippines, patuloy ang KMJS sa nangungunang programa buwan-buwan mula Enero hanggang Disyembre 2024, na may average people rating na 14.4 percent batay sa mga indibidwal na program ratings kada channel. Dahil dito, kinilala ang programa bilang nangungunang TV program ng 2024, na may pinagsamang (GMA/GTV/Pinoy Hits) people rating na 16 percent.
Ipagdiriwang ni Soho ngayong 2025 ang kanyang ika-40 taon sa broadcast industry. Bilang selebrasyon sa makasaysayang milestone na ito, magpapalabas ang KMJS ng isang special episode na magbabalik-tanaw sa kanyang natatanging karera. Bukod dito, ipalalabas din ngayong 2025 ang KMJS’ Gabi ng Lagim: The Movie, isang kapana-panabik na spin-off ng sikat na Halloween special ng show na pinrodyus ng GMA Pictures at GMA Public Affairs.
Samantala, pinalawig ng KMJS ang digital reach nito ng higit pa sa telebisyon, kung saan nakapagtala ang mga video nito noong 2024 ng 4.7 bilyong views sa iba’t ibang platform.
Ang mga investigative report ng KMJS ay naging finalists din sa 2024 Association for International Broadcasting (AIBs) Awards sa London at nagwagi ng National Award para sa Best Infotainment sa 2024 Asian Academy Creative Awards.
- Latest





















