Marami na naman ang napaniwala sa fake news na pag-react diumano ni Robin Padilla sa ginawang pagtatanggol ni Karla Estrada sa kanyang anak na si Daniel Padilla na may kinalaman sa kontrobersiyal na naging split nila ni Kathryn Bernardo.
Nagtagumpay ang nagpakalat ng fake news dahil sa mga comment ay marami ang napaniwala at panay ang puri sa senador ng mga fan na lahat halos ay kampi nga kay Kathryn.
Samantala, patuloy ang tagumpay ng pelikula nina Kathryn at Alden Richards na Hello, Love, Again, at sinasabi pang kumita na raw iyon ng mahigit P600 million. Kung magpapatuloy ang trend para ngang kikitain nila ang isang bilyon sa loob lamang ng limang araw, at bawi na si Kathryn. Siya na ulit ang Box Office Queen.
Uninvited, misteryo!
Matindi ang naging media launching ng pelikulang Uninvited na natural lang naman dahil iyon ay pinangungunahan ng tatlong pinakamabigat na mga artista natin sa kasalukuyan. Si Vilma Santos na gumaganap ng isang dual role ang character sa pelikula. Si Aga Muhlach ang bilyonaryong nag-birthday at nagkaroon ng isang magarbong party. Si Nadine Lustre ang anak ni Aga.
Kung ano ang kuwentong lilitaw dahil sa party na iyon, iyan ang istorya ng Uninvited. Maraming humuhula sa takbo ng kuwento, pero maingat silang malaman ng kahit na sino ang istorya ng pelikula, kasi nga naroon ang misteryo.
Ang Uninvited ay isang fiction story, pero may nakasilip na ng pelikula na nagsasabing mukhang based daw sa isang true story. Binago lang ang characters.
Sabi nila, sa tunay na kuwento ay nakulong ang character ni Aga hanggang sa namatay nga sa kulungan. Medyo iba ang nangyari sa Uninvited.
Marami ang nagsasabing sigurado na sa takilya ang Uninvited, pero kung si Ate Vi ang tatanungin, “hindi ka nakakasiguro. Thriller iyan eh, baka hindi nila gusto na ganyan ang mapanood kung Pasko, ang nakasanayan ng tao kung Pasko ay comedy. O kaya mga super hero na fantasy, iyong pambata talaga,” sey ni Ate Vi
Glaiza at Rhian, may tomboyan!
Sabi sina Glaiza de Castro at Rhian Ramos ay gagawa daw ng pelikulang GL (Girls’ Love) - temang tomboy. Kung iyong BL o boys’ love ay temang bading, iyan namang GL ay temang mga tomboyita.
Aywan kung bakit nga ba nuuso ang mga ganyang pelikula. Talagang pinalalaganap na nila ang mga kulturang LGBTQIA.