Ricardo Cepeda, nakatropa ang mga preso dahil sa BQ
Halos isang taong nakulong si Ricardo Cepeda kaya naman na-miss niya ang pag-arte at excited nang magtrabaho ulit.
Matatandaang inaresto ang aktor noong October 7, 2023 sa Caloocan dahil sa kasong syndicated estafa matapos masangkot ang kanyang pangalan sa isang uri ng investment scheme.
Mariing pinabulaanan naman ni Ricardo ang lahat ng akusasyon sa kanya at sinabing wala siyang kinalaman sa anumang investment scheme ng kumpanya dahil endorser lang daw siya ng herbal products nito.
Nakulong si Ricardo sa Kamp Caringal for two months at pagkatapos ay diniretso siya sa Cagayan Provincial Jail sa Tuguegarao City.
Few days ago, pagkatapos ng 11 months na pagkakapiit ay nakalaya na ang aktor dahil pinayagan siya ng korte na mag-post ng bail.
Kahapon ay humarap ang seasoned actor sa ilang piling entertainment press para sa isang tsikahan/kumustahan at ang unang tanong nga sa kanya ay kung kumusta na siya. “Ano pa, parang not yet fully convinced (na nakalaya na),” sey niya, “nun’g getting closer to ‘yung release, du’n ako nagkaka-nightmares, eh. Bumabalik sa akin ‘yung pagka-arrest sa akin na biglaang may dumampot lang, na diyan mo na lang nalaman na may warrant (of arrest).”
Tandang-tanda pa nga ni Ricardo ang araw na arestuhin siya. Wala raw siyang kamalay-malay na may kaso na pala siya at may lumabas nang warrant of arrest. Nasa ribbon-cutting event daw siya that time nang bigla raw siyang damputin ng mga pulis.
Dahil nga alam niyang wala siyang kasalanan, confident siya na maayos at hindi niya akalaing aabot pa siya ng 11 months sa kulungan.
“Akala ko, 2-3 months, makaklaro na, na the truth will come out, ‘kitang-kita naman,’ sabi ko. ‘Yun pala, ang tagal ng proseso, so nafru-frustrate ako,” aniya.
Sa first night daw niya sa Camp Karingal talagang hindi raw siya nakatulog. Iniisip niya na sana ay bangungot lang ito at paggising niya ay nasa bahay na siya.
Inabot ng 11 months bago siya nakapag-post ng bail dahil non-bailable ang kaso pero pwede raw mag-request at titimbangin daw ng korte kung dapat siyang payagang magpiyansa.
Pero mahabang proseso pa rin ‘yun dahil may mga hearing pa rin at mga testimonya ng witnesses na magpapatunay na wala siya talagang kinalaman sa kaso.
Mahirap man ang buhay sa kulungan ay ikinatuwa naman ni Ricardo na halos lahat ng inmates ay fans ng FPJ’s Batang Quiapo kung saan ay isa siya sa cast kaya kilala siya ng lahat doon at maayos na tinatrato.
“May mga TV do’n, eh, maraming nanonood. Napapanood ko rin. Sabin nga nila, ‘sir, kelan ka babalik?”
Asked kung babalik na ba siya sa FPJ’s Batang Quiapo, aniya ay nag-message na raw sa kanya si Coco Martin at inaayos na raw ang kwento’t hinahanda na para sa pagbabalik ng kanyang karakter.
Hindi pa raw tapos ang laban niya sa kaso pero ang importante ay nasa labas na siya at pwedeng makapagtrabaho. Bukod sa BQ ay may mga pelikula rin daw siyang nakatakdang gawin pero sa ngayon ay gusto raw muna niyang makasama at maka-bonding ang kanyang pamilya na halos isang taon nga niyang hindi nakapiling.
Nilinaw nga rin pala ni Ricardo na mananatili siya sa pangangalaga ng LVD Management kahit nga pumanaw na ang owner/talent manager na si Leo V. Dominguez.
- Latest