Coco, na-call out sa mga rape scene!
Tinawag nila ang pansin ni Coco Martin dahil daw sa mga eksena ng rape at pananamantala sa mga kababaihan na napapanood sa Batang Quiapo. Alam nila na si Coco ay creative producer at director din ng serye, inisip nilang paalalahanan iyon na baka nga masama sa mga kababaihan ang nakikitang iyon sa kanyang serye.
Obviously, ginagawa ang mga ganung eksena bilang pampahaba rin ng kuwento. Isipin ninyo ang orihinal na hit movie ni FPJ (Fernando Poe Jr.) na tumakbo lamang ng isang oras at kalahati sa mga sinehan noon, gaano katagal na nga bang tumatakbo sa telebisyon?
Iyon ngang Ang Probinsyano na isang oras at kalahati rin sa sinehan eh nabatak nila ng pitong taon sa telebisyon.
Tony, ‘di naalagaan sa mainstream
Magaling namang umarte si Tony Labrusca kahit na papaano, at hindi naman maikakailang malakas ang dating ng kanyang personalidad. Maaaring sumikat talaga siya bilang isang aktor, ang problema lang bakit nga ba sa mga pelikulang indie lang siya nalilinya?
Kung sana naisama siya sa isang malaking pelikula, walang dudang mas aangat ang kanyang career, kaso sa halip ngang magkaroon ng magagandang project, sa indie lang siya nalalagay at biktima pa siya ng mga masasamang tsismis.
Julia, ngayon lang naka-P200 million
Tuwang-tuwa sila at kumita raw ang pelikula ni Julia Barretto ng mahigit P200 million.
Nakakagulat dahil wala pa siyang pelikulang kumita nang ganyan kalaki. Kahit na nagpa-sexy pa siya sa isa, at sa isa naman ay itinambal pa siya kay Aga Muhlach, naglupasay ang mga pelikulang iyon sa takilya.
Ito namang pelikula nila ni Joshua Garcia, tinadtad nila ng personal appearances kaya nakatawag ng pansin ng mga tao. Ganun naman ang kailangan sa ngayon eh.
Saka siguro talagang malakas ang hatak ng tambalan nila ni Joshua.
Malaki na nga ang kinita ng pelikula kung ang batayan ay level ni Julia, pero hindi ba ang P200 million ay first day gross lang ng pelikula nina Kathryn Bernardo at Marian Rivera?
Ahron, napikon
Para ngang isang pandemic na kumakalat ang sexual molestation at assault ngayon sa show business, at ang nakakabigla puro mga artistang lalaki ang umaamin ngayon na sila ay hinalay at pinagsamantalahan ng ilang taong may katungkulan sa industriya.
Noong araw ay tahimik lamang sila sa mga nangyayaring panghahalay, ikinahihiya kasi nila ang ganun. Sabihin mang sila ay napagsamantalahan pero lalong nakakahiya kung lalabas na pumayag sila na abusuhin.
Pero naiba nga ngayong lumantad si Sandro Muhlach tungkol sa sinasabi niyang pang-aabuso sa kanya ng dalawang baklang independent contractors ng GMA 7 na naganap sa afterparty ng GMA Gala. Ngayon parang nabuksan ang kanilang isipan na hindi sila dapat na mahiya kundi dapat na nilang ilantad upang ang hindi magandang naging karanasan nila sa kamay ng mga mapagsamantalang tao sa showbusiness ay hindi na maranasan ng mga baguhan pang susunod sa kanila.
Bigla ngang lumitaw ang aktor na si Ahron Villena, na umaming siya man ay hinalay rin ng isang direktor ng pelikula.
Nainis lang siguro si Ahron dahil sinabi pa raw ni direk na matagal nang nangyayari ang ganyang mga bagay sa industriya na para bang sinasabing dahil matagal nang nangyayari ay dapat nang tanggaping bilang normal na kalakaran.
Kampanya ni Ate Vi, nag-umpisa na?!
Hindi pa man pormal na nagbibigay ng opisyal na statement tungkol sa kanyang pagbabalik pulitika, sinasabi ng ilan na nagkalat na raw sa Batangas ang campaign materials para kay Ate Vi (Vilma Santos) at sa kanyang mga anak na sina Lucky at Ryan Christian.
Pero sa totoo lang wala pa kaming naririnig kay Ate Vi, ang sabi lang niya kung sakali nga at matutuloy si Ryan, siya ang magiging mentor noon.
Nang sabihin namin kay Ate Vi na nagkalat na raw ang mga campaign materials sa Batangas, sinabi lang niyang “hindi ko alam iyon.”
Pero tiyak may magtatampo na naman ang Vilmanians na umasang talaga ngang mabibigyan niya ng panahon ang kanyang pagiging aktres.
- Latest