Gabby Concepcion, pinahanap noon ni Mother
Anim na araw lang matapos na yumao si Remy Monteverde, sumunod agad ang asawa niyang si Mother Lily.
Inilibing si Father Remy noong Sabado ng hapon, Linggo ng madaling araw ay binawian na rin ng buhay si Mother sa Medical City, kung saan siya naka-confine.
May mga lumabas pa ngang kuwento na dahil may sakit daw si Mother at ayaw ng kanyang mga anak na ma-stress siya, hindi nila ipinaalam sa kanyang namatay na si Father Remy. Nasa ospital siya kaya’t hindi niya malalaman na wala na ang kanyang asawa.
Pero mapayapa diumanong pumanaw si Mother at kapiling niya sa mga huling sandali ang lahat ng kanyang mga anak.
Napaka-lungkot na pangyayari dahil ang pagyao ni Mother ay hindi masasabing kawalan lamang sa industriya ng pelikula, kundi iyon ay katapusan ng isang panahon. Ito ay ang katapusan ng isang panahon, na sinimulan ni Mother sa pamamagitan ng Regal Films, na hindi na mapapantayan ng iba.
Natatandaan namin, una naming nakita si Mother sa isang restaurant sa Pasay Road na siya rin ang may-ari, iyong Mother China. Nagkita kami roon ng journalist din at dating talent manager na si Douglas Quijano. Noong araw na iyon ay kausap ni Mother ang isang baguhang gusto niyang i-build up, si Gabby Concepcion. Nakita siya ni Mother sa isang toothpaste commercial at ipinahanap siya.
Kasama ni Gabby noon ang kanyang buong pamilya. Tandang-tanda pa namin ang comment ni Mother noon kay Gabby, “Para siyang Lloyd Samartino”, kasi si Lloyd ang sikat na sikat noon, at kalaban sa popularidad ni Al Tantay.
Una naman naming nakausap si Mother Lily noong nagkaroon ng issue na diumano hinahakot ng Regal ang lahat ang mga artista at itinatali sa kontrata kaya sinasabi nga raw na may monopolyo na iyon ng mga artista kaya wala nang makuha ang iba.
Tinawag nila ang ginagawa ng Regal na isang megalomania.
Muli kaming nag-encounter ni Mother dahil kay William Leary. Umalis naman si William noon sa Viva, at lumipat sa Regal. May usapan kami ni William dahil naman kay Vilma Santos, siya ang manager ni Ate Vi noon. Nagkita kami ni William sa Casa Marcos doon sa tabi lang ng Regal. Maya-maya dumating si Mother, ipinakilala ako ni William sa kanya, pero para bang nanay na nagtatampo sabi niya “hindi naman ako gusto ni Ed, ang mahal lang niyan si Mina.” Si Mina Aragon ng Viva ang tinutukoy niya.
Maraming mga kuwento tungkol kay Mother Lily. Hindi ako malapit sa Regal pero sa ilang pagkakataon na nakaharap namin siya, ang masasabi lang namin siya ay isang ina talaga.
Dahil siya ay isang movie fan alam niya kung ano ang pelikulang panonoorin ng mga fans. Kabisado niya ang kiliti ng n fans. May mata rin si Mother na marunong kumilatis ng stars. May mga baguhang nagawa niyang malalaking star. Mayroon naman binibigyan niya ng pagkakataon kahit na hindi umaangat ang career dahil ang katuwiran niya “they too are my children”. “Hindi naman babies ko iyong kumikita lang”.
Talagang kahit na noon pinangangatawanan niya ang kanyang pagiging mother ng mga taga-industriya.
Isa sa pinakamagandang idea ni Mother ay noong gawin niya ang kuwento ng mga pelikulang Mano Po. Kasi siya lang ang makakapagkuwento ng buhay at kultura ng mga Chinese na ihahalo sa Filipino culture base karanasan niya.
Napakaganda rin ng love story nina Mother Lily at Father Remy.
Nagsikap sila hanggang sa sila ay umangat on their own at napatunayan nila sa kanilang mga magulang na magiging matagumpay sila sa kanilang buhay nang hindi umaasa sa mga matatanda.
And the rest is history na kumbaga.
- Latest