Kapuso reporter, walang naisalba nang bahain
Kawawa ang inabot ng news presenter ng GMA na si Anjo Pertierra, ipinakita niya kung papaanong ang kuwarto niyang tinutulugan na nasa basement ng kanilang bahay ay pinasok ng rumaragasang tubig baha. Iyong tubig baha ay umabot daw sa kanyang dibdib at kung alam ninyo kung gaano katangkad si Anjo masasabi ninyong abot na sa ulo ng karaniwang tao ang tubig na iyon.
Ginising daw siya noong pinasok na ng tubig ang bahay nila, at hindi niya halos mabuksan ang pinto ng kanyang kuwarto dahil sa lakas ng pressure ng rumaragasang baha. Ang masakit wala siyang nailigtas kahit na anong gamit, bumili lang daw muna siya ng apat na t-shirt para may maisuot sa pagpasok niya sa GMA. Hindi puwedeng hindi siya pumasok kahit na biktima siya ng baha ganoon talaga ang buhay ng newsman.
Naalala tuloy namin ang aming karanasan noong araw na nagtatrabaho pa kami sa isang istasyon ng radio. Habang panay ang paalala sa mga taong huwag lumabas ng bahay dahil sa peligro ng mataas na baha, kailangan naming lumusong sa kahabaan ng Taft Avenue na hanggang lampas baywang ang tubig para makarating kami sa istasyon ng radio at magawa ang aming trabaho. Basang-basa ang aming damit na suot kaya maghapon sa aming newsroom ay nakasuot kami ng shorts ni walang briefs at naka-jacket na walang kamiseta man lang na suot kaysa naman mababad kami sa basang damit.
Kaya nga nasasabi naming, masarap ang buhay ng nasa entertainment beat kaysa sa news. Kasi kung umuulan, may baha at nagkakagulo, maaari kang sa bahay na lang muna at gawin ang trabaho mo hindi kagaya ng mga newsmen na kailangang naroroon ka kung saan malubha ang kalamidad.
Pero ang masakit lang na nangyari sa amin nitong bagyong Carina nawala bigla ang kuryete sa lugar namin, at nawala rin ang tubig dahil walang kuryente.
Dahil dito lumabas kami ng bahay, bitbit lahat ng gamit na kailangan namin wala namang sasakyan dumadaan sa kalye, may mga taxi pero puro isnabero. Tumatakbo, ayaw magsakay. Finally napakiusapan namin ang isang tricycle na ihatid kami sa pupuntahan namin. Bawal ang Tricycle sa EDSA, hindi puwede. Pero nakiusap na kami, medyo mahal ang bayad. Mahal pa sa taxi, pero ano nga ba ang magagawa namin. Nakarating naman kami sa aming pinuntahan, may kuryente, may tubig, madaling maghanap ng pagkain kaya nagawa namin ang trabaho namin, Isipin ninyo hanggang kinabukasan wala pa ring kuryente kasi may mga lugar namang lubog pa sa baha at delikadong ibalik ng Meralco ang kanilang serbisyo.
Pero nasaan kaya ang sinasabing P51 bilyon daw na kinuha ng isang congressman para sa flood control eh lubog din naman sa baha ang bayan niya.
Alden, hindi na lumusong
Hindi lumusong sa baha si Alden Richards para magligtas ng mga nakulong sa baha kagaya nung ginawa ni Gerald Anderson pero maituturing din namang kabayanihan ang ginawa niya.
Sa kasagsagan ng bagyo at dahil nalaman niyang talagang matindi ang bahang umabot sa municipality ni Mayor Tobby Tiangco, ang Navotas, agad na nagpadala si Alden ng pagkain sa isang evacuation center sa tulong ng GMA Foundation. Iyon naman ang problema sa evacuation centers, usually nadadala sila sa kaligtasan pero hindi agad naaayudahan sa rami ng kailangan pang ilikas. Ang nagiging priority kasi ng local government ay rescue operations at pagkatapos noon at saka nila aasikasuhin ang iba
Mga text alert, nakakatulong
Napupuri rin namin ang Smart kasi iyong mga warning naite-text nila sa kanilang subscriber sa tamang oras batay sa pagpapalabas ng NDRRMC. Nakakapaghanda ka, at kung matindi hindi basta text tone ang lumalabas kundi emergency signal.
Eh iyong isa naming cellphone dumating din naman ang warning ng NDRRMC, kaya lang iyong advisory ng alas onse ng umaga, natanggap namin alas dose na ng gabi. Ano iyon?
Pamilyadong aktor at pulitiko, may boylet na model!
Habang kasagsagan ng bagyo hindi talaga maiiwasan anga tsismis. Dahil wala nga sigurong magawa, at walang maistambayan dahil baha nagbabad si direk at ang kanyang mga kaibigan sa isang restaurant at kahit na wala na silang order hindi sila umaalis at panay lang ang kuwentuhan. May mga tao tuloy na gustong pumasok at kumain na hindi na nakatuloy dahil okupado nila ang mesa habang nagkukuwentuhan lang naman sila.
Ang subject ng kanilang tsismis ay isang action star at isang government official na ang alam daw nila ay macho at babaero pa pero iyon pala ay may boylet na isang male model. Iyon daw at isa pang male star ang lagi niyang bisita noong siya ay “magbakasyon.”
Alam kaya ng misis niya ang katotohanang iyan? Noong una hindi rin kami naniniwala kahit na narinig na rin namin ang tsismis pero nang kumpirmahin sa amin iyan ng kaibigang matalik ng boylet niya, naniwala na kami.
- Latest