Romnick, ipinagdamot ang Best Actor trophy!
MANILA, Philippines — Naging emotional si Romnick Sarmenta nang tanggapin niya ang Best Actor trophy niya mula sa Gawad Urian na ginanap sa Henry Sy Sr. Hall sa De La Salle University sa Maynila noong Sabado.
Garalgal na ang boses nito nang ibinigay niya ang kanyang acceptance speech, dahil sobrang tagal daw niyang inaasam ang karangalang ito.
Nagbiro pa siyang sana raw ay naging komedyante na lang siya para hindi raw siya umiyak. “Hayaan n’yo akong maging makasarili saglit. Darating ang panahon na mawawala ang kinang nito at magkakaroon ng alikabok pero hindi magbabago ‘yung kahulugan saka ‘yung halaga.
“Ito ay dahil at para sa The IdeaFirst Company, kina direk Perci (Intalan) at direk Jun Robles Lana na nagsulat at nagdirihe ng isang napakagandang kuwento.”
Si direk Jun Lana din pala ang nagwaging Best Screenplay.
Pero totoo kayang mas gusto raw sana niyang mapanalunan ang Best Director?
Pagkatapos ng awarding ay tinanong na namin si Romnick kung bakit naging emotional siya sa kanyang acceptance speech.
Ano ang nasa isip niya nung mga oras na ‘yun?
“Kasi lahat ng pinasalamatan ko wala rito e,” pakli niya.
“Hindi naman… mostly lang. Nasa Amerika ‘yung Dad ko, nasa Singapore si Barbara (partner niya). ‘Yung mga bata, nasa bahay. So, parang bigla ko na lang sila na-miss na gusto ko lang iabot sa kanila, para sa kanila ‘to e.
“Tapos, ‘yun din, kung gaano kalaking bahagi ng buhay ko ‘tong industriya na ‘to.
“Kanina natutuwa ako sa mga naririnig ko, ‘yung malasakit, ‘yung pagmamahal nila sa ginagawa nila. ‘Yung pagmamahal nila sa pagkuwento at paggawa ng pelikulang Pilipino, matagal na ‘yung sigaw ng dibdib mo e.
“Matagal mo nang isinabuhay ‘yun e. Pero ‘yung nadidinig mo sa mas bata, nadidinig mo na ‘yun ang gusto nila, nakakabigay buhay din. Nakakatuwa din, nakakapagpasiya ng dibdib.
“So, nung nandun ako, parang pakiramdam ko din, parang ganito magsalita ‘yung mga taong natutuwa ako sa mga sinabi na bahagi ‘yun. Kaya ko nasabi nung huli na sa lahat ng gumagawa ng pelikulang Pilipino, ano man ‘yung parte, never kayo na hindi naging bahagi ng buhay ko.
“Pare-pareho kayong kasama dito sa industriyang ito, sa larangan na ‘to sa karerang ito. So masaya na ganito ‘yung industriyang ito,” saad ni Romnick Sarmenta.
Bahagi si Romnick sa What’s Wrong With Secretary Kim na napapanood pa rin sa Viu.
Pero kasama siya sa bagong drama series ng Kapamilya na High Street, at may dalawa pa raw na pelikulang inaayos, pero hindi pa raw malinaw ‘yun.
- Latest