EA, maraming sinakripisyo
Kinuwento ni Edgar Allan “EA” Guzman na marami siyang sinakripisyo para mapunuan niya ang mga kulang sa buhay ng kanyang pamilya.
Sey ng former Mr. Pogi, mas inuna raw niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya bago ang sarili niya.
“I would sacrifice my own happiness para sa kasiyahan din ng mga kapatid ko. Personally, marami na rin akong sinacrifice para sa sarili ko. Kumbaga bago ako bumili ng isang investment, talagang iniisip ko kung paano rin sila. Kumbaga, kasama dapat sila,” sey pa ni EA.
Kaya naman nakaipon agad si EA para maregaluhan niya ng bahay ang kanyang ina. At ang pag-aaral at lahat ng pangangailangan ng kanyang mga kapatid ay siya na ang umako. Kaya malaki ang pasasalamat ng aktor sa sunud-sunod na trabaho niya sa Kapuso network,
“Kung hindi po sa mga shows na binigay ng GMA sa atin, baka hindi ko pa rin matupad ang mga pangako ko sa pamilya ko. Ngayon at maayos na ang lahat, siguro naman ang sarili ko naman ang isunod ko,” ngiti pa ni EA na going strong ang relasyon sa girlfriend na si Shaira Diaz.
Mapapanood na nga si EA bilang si Miro sa GMA Afternoon Prime series na Nakarehas Na Puso. Gaganap siyang isa sa tatlong anak ni Jean Garcia na napariwara ang buhay dahil sa taong sumira ng kanilang masayang pamilya.
Child actor, may pa-raffle para sa writer na may cancer
Nagsimula ng isang fundraising project ang former child actor na si John Manalo para sa dating writer ng ABS-CBN kiddie gag show na Goin’ Bulilit.
Sa kanyang Instagram, in-announce ni John na magpapa-raffle siya ng ilang mga gamit niya para makalikom ng funds para sa medical expenses ng writer na si Sherwin Buenvenida na na-diagnose with lung cancer.
Sa mga gustong sumali sa raffle, ang reservation ng slot ay P500. Kabilang sa ipapa-raffle ni John ay tatlong cameras (Kodak Retina Automatic III Rangefinder, a Nikon FG with Nikon 50mm f/1.8 lens, or a Canon EF 135mm f/2.8 soft focus camera) at isang classic bike (Sakula Kyoto Japan Minivelo bike).
Kapatid na ang turing ni John kay Sherwin noong magkakilala sila sa set ng Goin’ Bulilit. Apat na taon daw silang nagkatrabaho sa naturang show.
“Itong taong ito ay sobrang dami ng natulungan mapapamilya niya at sa industriya. Alam kong maraming nagmamahal sa kanya at malalagpasan niya lahat ng ito. Pero mas madali niyang mahaharap ang pagsubok na ito pag may kasama siya. Kaya naisip ko magpa-raffle ng mga gamit ko.
“Precious lahat ng ito para sa akin. Pero wala lang ito kumpara sa lahat ng nabigay na tulong sa akin ni Kuya Sherwin at nabigay niyang tulong sa mga tao. Kaya please tulungan niyo ako mag-work ito para matulungan natin si Sherwin at patuloy pa siyang makatulong sa kapwa niya,” sey ni John na nagdesisyong maging inactive sa showbiz dahil tinapos niya ang kanyang kursong Communication Arts sa University of Santo Tomas at naka-graduate siya noong 2018.
- Latest