Violeta at Julius, pinakabagong TNT grand finalists
MANILA, Philippines — Wagi sina Violeta Bayawa ng Dipolog, Zamboanga del Norte at Julius Cawaling ng Bacoor, Cavite bilang pinakabagong grand finalists ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime matapos manaig ang kanilang boses sa buong linggong Quarter 4 semifinals na nagtapos noong Sabado (Agosto 31).
Nanguna ang combined score na 88.82% ng fan favorite na si Violeta, 70, mula sa madlang people votes at hurado scores matapos siyang magbigay ng makabagbagdamdaming bersyon ng Saan Ka Man Naroroon at paiyakin ang studio audience, mga hurado, at mga manonood nang makita ng kanyang anak sa unang pagkakataon ang ama nito, ang unang asawang minamahal niya pa rin hanggang ngayon.
Sumunod naman si Julius, na parte ng isang bandang tumutulong sa mga mahihirap na batang makabili ng school supplies, sa combined score niyang 61.61%. Ito ay matapos din siyang purihin para sa performance niya ng Titanium ng huradong si Ogie Alcasid na sinabing pagaling nang pagaling ang 38-anyos na bandista.
Parehong nanalo ng tig-P150,000 ang dalawa at ng pagkakataong maging grand champion ng kasalukuyang taon ng Tawag ng Tanghalan, laban ang iba pang grand finalists na sina Elaine Duran, Ranillo Enriquez, John Mark Saga, John Michael Dela Cerna, Charizze Arnigo at Jonas Oñate.
Tuluy-tuloy ang sorpresa ng It’s Showtime para sa madlang people dahil patuloy pa rin ang countdown ng programa para sa ikasampung anibersaryo nito na magaganap sa Oktubre.
- Latest