Robin tinarayan/minura ang director na nagpapa-boycott sa kanyang pelikula
Ikinalulungkot ni Robin Padilla ang akusasyong propaganda film ang pinagbibidahan niyang bio-flick na Bato: The Gen. Ronald dela Rosa Story komo nga tumatakbong Senador ngayon ang dating PNP (Philippine National Police).
“Kasi, alam mo, karapatan ng kahit na sinon’g kandidato ang gumawa ng buhay mo, noon pa ‘to, panahon pa nila Marcos, gumagawa na (ng bioflick), kahit nga si Joma, gumawa ng pelikula niya,” katwiran ni Robin nang makatsikahan namin sa grand presscon ng naturang bio-film kahapon.
Ang ikinadidismaya pa ni Binoe ay nanggagaling pa raw sa mga kasamahan sa industriya ang pagbatikos sa kanya.
“Parang ano naman itong mga taong ito, eh artista kami,” sambit pa niya.
Dito na nga nahingan ng reaksyon si Binoe tungkol sa Facebook post ni direk Lore Reyes na iba-block niya sa kanyang social media account ang mga taong magpo-promote ng movie.
“Iboy-boycott n’yo ang mga kasama n’yo sa pelikulang Pilipino dahil sa ganu’ng klaseng politika? Ganu’n ba tayo kababaw na?” saad pa ni Binoe.
Ayon pa raw kay direk Lore ay walang kai-kaibigan sa kanya, ano ang masasabi niya?
“Hindi ko naman siya kaibigan,” aniya.
Hindi pa raw niya ito nakasama pero aniya ay inirerespeto naman niya ang nasabing direktor.
“Minsan, alam ninyo, ang pag-iintindi natin sa isang bagay, dapat malawak. Ang politika sa buhay natin, dapat parte lang. Hindi ‘yan ang ibubuhay mo, araw-araw. Paggising mo pa lang, politika na agad. F*** that, man! Mayroon tayong mga trabaho sa buhay natin. Artista tayo, direktor sila,” mataray pang saad ng action superstar.
Napa-react naman ang entertainment press sa pagiging outspoken ni Binoe at pinuri siya.
“Sa totoo lang, huwag nating personalin. Mayroon na tayong dating kasabihan, “trabaho lang ‘to”, magtrabaho tayo. Eh wala, ganu’n, eh. Sana, bago nila husgahan ang pelikula ni Bato, na i-block, panoorin mo muna. Tingnan mo muna kung gaano kaganda ‘yung istorya nun’g tao,” sey pa niya.
Actually, pagtatapat nga ni Binoe, hindi nga dapat siya ang gaganap na bida ng pelikula at marami nga raw siyang inirekomendang artista na pwedeng mag-portray. Isa sa mga unang-unang inirekomenda niya ay si Coco Martin pero hindi raw yata nagkasundo sa schedule.
Inirekomenda rin niya ang pamangkin niyang si Daniel Padilla na gumanap na young Bato. Pati ang manugang niyang si Aljur Abrenica ay kinausap niya.
“Siya (Aljur) po ang kinukuha namin dito, hindi nagkaintindihan dahil pinagbibintangang propaganda, mahirap!” sey pa ng action star.
Talaga raw hindi lang niya matanggihan ang producer na si Arnold Vegafria kaya pumayag na rin siyang gawin ito at aminado naman siyang talagang na-miss din niya ang paggawa ng matinding action film na tulad nito.
Showing na ang Bato: The Gen. Ronald dela Rosa Story ngayong Jan. 30 mula sa direksyon ni Adolf Alix Jr.
- Latest