Bryan panay ang abroad para magkalat ng salita ng Diyos
Si Bryan Revilla naman ang haharap sa entertainment press pagkatapos ng mini presscon noong nakaraang Martes ng kanyang kapatid, si Cavite Vice Governor Jolo Revilla.
Maraming puwedeng pag-usapan tungkol kay Bryan, bukod sa pagbabalik-showbiz niya sa pamamagitan ng Virgo, ang unang episode ng trilogy movie na Tres, ang comeback movie ng Imus Productions.
Iilan lang yata ang nakakaalam na madalas na bumibiyahe si Bryan sa iba’t-ibang bansa para i-share ang mga salita ng Diyos.
Sa mga anak nina Bong Revilla, Jr. at Lani Mercado, si Bryan ang mahilig sa negosyo at sobrang malapit kay God na hindi halata dahil bruskong-brusko ang personality niya kaya true talaga ang kasabihan na do not judge a book by its cover. Sabi nga ni Melanie Marquez, do not judge my brother Joey Marquez, he’s not a book!
Revilla Brothers solid ang relasyon
Maganda ang relasyon nina Bryan, Jolo at ng ibang mga kapatid nila dahil close na close sila sa isa’t-isa.
Sa Revilla brothers, si Jolo ang malambing at siya ang may idea na magkaroon ng special participation sa 72 Hours ang nanay niya.
Ang 72 Hours ang episode ng Tres na tinatampukan ni Jolo.
Nang sabihin ni Jolo kay Lani na umapir ito sa 72 Hours, nag-yes agad ang nanay niya. Walang isyu tungkol sa talent fee dahil “for the love of” ang ginawa ni Lani.
Si Jolo rin ang nakipag-usap sa kanyang ex-girlfriend na si Lovi Poe para sa isang cameo role sa 72 Hours. Hindi binigo ni Lovi si Jolo pero hindi nito sinabi sa showbiz press ang talent fee o honorarium na kanyang ibinigay sa ex-girlfriend na BFF na niya.
Pepe parang si Rene Requiestas
Ikinukumpara si Pepe Herrera kay Rene Requiestas, ang nasirang komedyante na nagbida noon sa mga blockbuster movie ng Regal Films.
Ang Regal din ang nagbigay kay Pepe ng big break sa pelikula bilang lead star at leading man ni Ritz Azul sa The Hopeful Romantic.
Parehong magaling sa comedy at parehong nagsimula sa stage sina Rene at Pepe pero magkaibang-magkaiba sila.
Naikukumpara lang si Pepe kay Rene dahil payat din siya tulad ng pumanaw na komedyante.
Bago nagbida sa mga pelikula, naging sidekick muna si Rene sa mga hit movie project ni Joey de Leon kaya napansin siya ng mga film producer.
Ang natural talent ni Rene sa comedy ang dahilan kaya siya ang napili ng Regal Films bilang bida ng Pido Dida na big hit noong 1990 kaya nagkaroon ng mga sequel.
Sa kasamaang-palad, maaga na binawian si Rene ng buhay dahil sa sakit sa baga. Namatay si Rene sa edad na 36 noong July 24, 1993.
Visible si Pepe sa TV dahil sa promo ng The Hopeful Romantic na showing sa mga sinehan sa September 12.
Sex comedy ang The Hopeful Romantic at ayon sa writers ng pelikula, bagay na bagay kay Pepe ang role nito.
More than 10 million na ang views sa trailer ng The Hopeful Romantic at kung tatangkilikin ng sampung milyong viewers ng trailer ang pelikula nina Pepe at Ritz, tiyak na certified hit ito.
- Latest