To Love and To Serve panalo sa New York Festivals
MANILA, Philippines — Nanalo ang ABS-CBN ng Bronze World Medal sa 2018 New York Festivals World’s Best TV & Films (NYF) para sa kampanya nitong To Love and To Serve sa kategoryang Station/Image Promotion ng prestihiyosong kompetisyon.
Ang TV spot ay gawa ng ABS-CBN Creative Communication Management (CCM) na ipinahiwatig ang pasasalamat ng network dahil sa karangalang maging bahagi ng pagmamahalan ng bawat pamilyang Pilipino.
Ilan sa ipinakita sa video ay ang isang tricycle drayber na nag-uwi ng pinag-ipunang segunda manong TV set para sa kanyang pamilya; isang domestic helper na naglalagay ng mga pasalubong sa balikbayan box, isang amang pinupuri ang lalaking anak sa kanyang dinisenyong gown; ang pagtutulong-tulong ng mga Muslim at Kristiyano para makapag-abot ng relief goods sa mga biktima ng kalamidad, at iba pang pagsasalamin sa pagkakaisa at pagmamahalan ng mga Pilipino.
Ang kampanyang To Love and To Serve ay gawa nina Christine Daria Estabillo, Maria Lourdes Parawan, at Raywin Tome, at idinirihe ni Paolo Ramos.
Nagwagi rin ng Gold World Medal award ang ABS-CBN para sa dokumentaryong Di Ka Pasisiil.
Samantala, nagwagi ang ANC, the ABS-CBN News Channel, ng Silver World Medal para sa pilot episode na Bandurria ng programang dokumentaryo nito na Local Legends.
- Latest