After 20 years, Walang Tulugan, mamamahinga na!
It’s final. Matapos ang dalawampung taon, ibababa na ang tabing para sa Walang Tulugan ni Kuya Germs. Bukod sa episode mamayang gabi, mapapanood pa naman ang show hanggang sa susunod na Sabado, tapos ay wala na.
Tapos na ang mga sinasabing may magtutuloy ng show. Tapos na rin siguro ang sinasabi ng iba na willing silang ituloy ang show alang-alang kay Kuya Germs. Maliwanag naman na wala na ang Master Showman, papaano pa nga ba itutuloy ang show?
Sa loob ng 20 taon, hindi lamang personality si Kuya Germs sa kanyang show na iyan. Siya ang kaluluwa mismo ng show. Lahat ng nangyayari sa show, si Kuya Germs ang kumikilos. Simula sa pagbili ng mga gagawing kurtina para sa set na dinarayo pa niya sa Divisoria para makatipid, sa pagpa-plano kung ano ang magiging content ng susunod na show, sa pag-iimbita ng mga artista, sa paggawa ng mga outside interviews, hanggang sa pamimili ng mga talents at pagpapa-suweldo sa mga iyon, si Kuya Germs lahat iyan. Eh sino nga ba ang makakapalit kay Kuya Germs?
Malaki ang kaibahan ni Mang Dolphy eh, kaya naituloy pa ang kanyang programa one year after na yumao siya. Si Mang Dolphy kasi lead talent lang ng show niya. Si Kuya Germs iba eh, siya ang lahat sa show. Hindi lang haligi ng show si Kuya Germs, siya ang buong bahay.
Sa ganyang sitwasyon, siguro nga masasabing wala nang mas maganda pang desisyon kundi itigil na rin ang show.
Totoo naaalala natin, may mga tao na namang mawawalan ng trabaho. May mga kabataan na namang mawawalan ng pag-asa sa kanyang ambisyong maging artista, pero posible pa ba iyon ngayong wala na si Kuya Germs?
Siguro naman gagabayan sila ni Kuya Germs. Iyong talagang may mga talents, may kukuha ring iba sa kanila. Iyong marami naman doon naipuwesto na niya bago pa man siya yumao. Iyong iba naman, siguro tanggapin na nila ang katotohanan na may ibang mundo para sa kanila.
Mark inaasahang mapu-push ang career sa Tasya…
Hindi naging winner si Mark Neumann noon sa talent search ng TV5, pero noon pa man marami ang nagsasabi na siya ang mas sisikat bilang isang artista. Iba kasi ang dating ni Mark sa publiko. Napatunayan din naman ni Mark ang kanyang nalalaman sa ilang mga seryeng ginawa niya, at nang isabak siyang una sa isang prime time series, maganda naman ang naging resulta noon.
Kaya nga siguro kahit na sabihin nating nagpalit ng humahawak ang TV5, si Mark Neumann ngayon ay may assignment pa rin. Isa siya sa mga unang nabigyan ng pagkakataong maging bida ulit sa comedy series na Tasya Fantasya.
Ang inaasahan nila diyan sa kanyang role ngayon, lalo siyang mapu-push bilang isang matinee idol na sa tingin namin siya naman niyang dapat linyahan talaga.
Siya iyong maaaring ipanlaban ng TV5 sa mga matinee idols ng ibang networks. Kung titingnan naman ninyo kasi, sa listahan ng mga talents nila kahit na noong una, siya talaga ang standout ang hitsura.
- Latest