Katarungan! Biyenan ni Cong. Alfred Vargas pinanood lang ng mga taga-bangko habang binubugbog!
Nakakaloka naman talaga ang nangyari kay Mrs. Nerissa Espiritu, ang biyenan ni Congressman Alfred Vargas na inumbag ng isang babae na nagngangalan na Cynthia Huang sa Broadway Centrum branch ng Banco de Oro noong December 29.
Senior citizen na ang mother in-law ni Alfred at halos anak na niya ang matapang na babae na nambugbog sa kanya.
Hindi ko ma-imagine na magagawa ng babae na manakit ng matanda dahil sinaway nito ang pang-aagaw niya ng upuan na para sa mga senior citizen.
Mabuti na lang, walang sakit sa puso ang biyenan ni Alfred pero hindi pa rin tama na saktan siya ng dahil lamang sa isang silya.
Nakakaloka rin ang inasal ng bank manager na Arlene Paguio ang pangalan dahil ang sabi ni Alfred, hindi tinulungan ni Paguio ang biktima dahil mas pinrotektahan ng bank manager ang VIP client.
Parang obstruction of justice ang ginawa ni Paguio dahil hindi nito agad isinuko sa pulis ang suspect at tumanggi siya na pangalanan ang attacker ni Mrs. Espiritu.
Naiintindihan ko ang panawagan ni Alfred na imbestigahan ng main office ng BDO ang ginawa ni Paguio dahil pinabayaan nito ang biktima na mag-isang pumunta sa ospital, kahit duguan.
Wish ni Alfred, huwag mangyari kay Paguio o sa ibang mga miyembro ng pamilya nito ang na-experience ng kanyang biyenan.
Depositor din ako ng BDO at sana lang, huwag nang maulit ang nangyari kay Mrs. Espiritu. VIP client man o hindi, karapatan ng lahat ng BDO customers na mabigyan ng respeto at patas na treatment.
Alden humagulgol sa kanyang birthday
Marami na naman ang pinaiyak kahapon ni Alden Richards sa birthday celebration niya sa Eat Bulaga.
Cry me a river ang Eat Bulaga studio audience at ang televiewers nang pasalamatan ni Alden ang kanyang pumanaw na ina.
Ang sey ni Alden, para sa nanay niya ang lahat ng pagsisikap na kanyang ginagawa.
Hagulgol at hindi basta iyak ang ginawa ni Alden nang magpasalamat siya sa kanyang ina na hindi na-witness ang phenomenal success niya.
Surprise guest sa birthday celebration ni Alden ang kanyang tatay na si Richard Faulkerson Sr. na kumanta ng live.
Hindi nagkakalayo ang tindig ni Alden at ng tatay niya as in parang magkapatid lamang sila.
Ang manatiling humble ang birthday message ni Faulkerson Sr. sa kanyang anak na madasalin pala at palaging sinasamahan sa pagsisimba ang lola niya.
Umapir din sa Eat Bulaga ang mga kaklase at teacher ni Alden noong elementary student pa ito.
Tuwang-tuwa si Alden dahil hindi niya inaasahan na muling makikita ang mga teacher at kaklase.
Cry nang cry si Alden dahil kahapon lamang siya nakaranas ng bonggang birthday celebration na live na napanood sa TV.
Nagpasalamat siya sa mga bossing ng Eat Bulaga at GMA 7 na patuloy na nagtitiwala sa kanya.
Hindi pa tapos ang pagdiriwang ni Alden dahil may inihanda rin para sa kanya ang staff ng Sunday PinaSaya at mapapanood ito ngayong tanghali.
Tingnan natin kung mapapaiyak din si Alden ng mga kasamahan niya sa Sunday PinaSaya.
- Latest