Dating MMFF chairman Tolentino di kayang talikuran ang showbiz
Marami na kaming narinig na mga pulitikong nangakong kung mananalo ay tutulungan ang film industry. Sanay na kasi silang iyon lang ang kailangan nilang sabihin para matawag ang pansin ng mga entertainment writer at makapasok sila sa sinasabi nga nilang “best read pages” ng isang diyaryo. May nangako pa noon na magtatayo ng isang film city sa Clark, Pampanga, pero nasaan na? May nangakong ibababa ang taxes sa pelikula, pero hanggang ngayon ay halos 54% pa rin ang kabuuang taxes, dahil simula pa sa raw sa materials ay tambak na ang taxes.
Noong isang gabi, humarap naman sa entertainment press si dating MMDA Chairman Francis Tolentino. Ipinagmalaki niya ang mga pagbabagong kanyang nagawa sa loob ng ilang taong siya ang chairman din ng executive committee ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ngayon, sinasabi niyang may balak siyang iharap na panukalang batas. Kung sakali nga na makakapasok siya sa senado na magtatakda hindi lang ng tax reduction kundi magbibigay ng subsidy sa mga mahuhusay na pelikula. Noong araw, panahon ng Experimental Cinema of the Philippines, ginawa na ang lahat ng iyan. Iyon nga lang, hindi ito naisulat bilang batas kaya nang magbago ang gobyerno, nawala ang lahat ng mga tulong na iyan sa industriya ng pelikula.
Kung ang mga bagay na iyan ay talagang maisasalin sa batas ni Chairman Tolentino, talagang mas magiging maganda at baka nga sumigla ulit ang industriya ng pelikulang Pilipino. Napatunayan na naman natin eh. Marunong tayong gumawa ng mahuhusay na pelikula, iyon nga lang wala tayong nakukuhang government support. Sa ibang bansang Asyano, suportado ng gobyerno ang pelikula. Dito sa atin,nagsisilbi pang gatasan ang industriya ng pelikula na sinasampal ng pinakamataas na tax sa lahat ng industriya.
Rating ng GMA umangat daw
“Sa maniwala kayo’t sa hindi, noon pa pong September, tinalo na natin sila maging sa NUTAM ratings,” ang pagmamalaki ni GMA Chairman Felipe Gozon, noong mag-host sila ng isang Christmas at Thanksgiving party para sa mga entertainment writers.
Ano ba iyang sinasabing NUTAM? Ang ibig pong sabihin niyan, para sa mga hindi masyadong aware, ay “National Urban Television Audience Measurement”. Iyan ay isang survey sa buong bansa ng nakukuhang audience ng isang television program. Noong araw, sinasabi nila na sa Metro Manila, malakas ang GMA, pero natatalo sa probinsiya dahil mas malakas ang signal ng kalaban. Noong magpalit sila ng mga equipment at lumaban na rin technically, sila na ang nangunguna ngayon sa NUTAM.
Hindi masasabing iyan ay dahil sa isang love team lamang. Kumbinasyon iyan ng mahusay na mga programa, mahusay na pagbabalita, at kahusayan technically. Sabi nga ni Kuya Germs, kumbinasyon iyan ng lahat ng inilalabas sa telebisyon araw-araw.
- Latest