Vhong walang malay sa planong pagtsutsugi raw sa Showtime!
Tinanggap ni Vhong Navarro ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015 movie na Buy Now, Die Later kahit alam niyang mabibigat ang kalaban dahil aniya, nagandahan daw siya sa project.
“Dahil alam ko nga ‘yung babanggain namin this coming filmfest eh malalaking artista, malalaking pelikula, kumbaga, sabi ko, hindi ko na in-expect mag-no.1, no. 2 kasi gusto ko ‘yung project,” sabi ni Vhong sa presscon held last Thursday.
“Gusto ko ‘yung character ko, so naniniwala na lang ako na bilang isang artista, hindi pa ako nakakagawa ng ganitong character sa buhay ko at isa ito sa dream na pwede kong gawin kasi alam ko, parang nagawa ko na lahat pwera lang itong character na ito kaya ko tinanggap talaga ‘yung project,” dagdag pa ng comedian/TV host/dancer.
Bale tatlo silang horror film sa filmfest (ang dalawa pa ay ang Haunted Mansion ng Regal Films at Nilalang ng Haunted Tower Pictures) pero ani Vhong, ang kaibahan nila ay comedy-horror sila.
“Tapos ‘yung istorya namin. Ang ganda ng pagkakadikit ng bawat character, so siguro ‘yun na ang pinakamagandang edge.”
Magtatapat din ang pelikula nila ni Vice Ganda na kasamahan niya sa It’s Showtime. Napag-usapan na ba nila ito?
“Eh kami nagbibiruan lang, eh. Kahit sa amin, eh, parang kalokohan na rin lahat. So, tulungan kami. ‘Pag nagpo-promote siya, sinusundan ko, “panoorin mo rin ‘yung Buy Now, Die Later”, ‘yung ganu’n.
“Kasi sa amin ni Vice, kung ano ‘yung achievement niya, sine-share niya sa amin. Ganundin naman ako sa kanila. Kumbaga, suportahan na lang. Kasi sabi ko nga, hindi ako nag-e-expect ng no. 1, hindi ako nage-expect na no. 2. Basta ako po, nagawa ko po ‘yung isa sa dream roles ko sa pelikulang ito.”
So, ibinibigay na niya kay Vice ang pagiging number 1?
“Eh kasi ilang beses naman siyang nag-no.1, kumbaga, ako, hindi ko naman naabot ‘yung ganu’g kalaking dami ng tao na nanood sa pelikula ko. Eh ako masaya na ako na maka-100 million, sobrang saya ko na ‘yun. Kumbaga, maabot pa ‘yung 400 million, aba eh, sobrang swerteng-swerte ko na ‘yun,” he said.
‘Yun nga lang, lugi raw siya sa exposure sa ABS-CBN compared sa Beauty and the Bestie movie ni Vice Ganda dahil produced ito mismo ng Star Cinema na movie arm ng Kapamilya network.
“Kaya sumusundot ako. Eh siyempre, may advantage kasi si Vice, eh. Naiintindihan ko naman ‘yun,” natatawa niyang sabi.
Samantala, nilinaw namin kay Vhong ang tsikang hanggang February na lang daw ang It’s Showtime at aniya ay wala raw siyang alam na ganu’n.
“Sa amin, wala naman pong sinasabing ganu’n. Kami po kasi, pumapasok kami para makapagpasaya ng tao, ibinibigay lang po namin kung ano po ‘yung kailangan sa amin ng solid Showtimers o ‘yung mga nasa bahay na nanonood, ibinibigay lang po namin ang best namin. Sumusunod lang po kami sa pinapagawa sa amin.
“Pero ‘yung sinasabi nilang hanggang Feb., ako po, hindi ko pa po naririnig, honestly. Kung sakali na hanggang Feb., huwag naman po,” natatawa niyang sabi.
“Kasi ang tagal na rin, eh, 7 years ongoing, basta nandito lang naman kami, kung anon’g kailangan namin gawin para madagdagan or magbigay-saya.”
Kung may reformat man daw na magaganap, sana raw ay nandu’n pa rin sila.
Anyway, showing na sa Dec. 25 ang Die Now, Pay Later mula sa produksyon ng Quantum Films, MJM Productions, Inc., Tuko Film Production, at Buchi Boy Films. Kasama rin ni Vhong dito sina Alex Gonzaga, John Lapus, Rayver Cruz, Lotlot de Leon and daughter Janine Gutierrez at TJ Trinidad mula sa direksyon ni Randolh Longias.
Win Gatchalian dadalo sa kasal ni Pauleen kay Vic kung iimbitahan
Sa tuwing sumasapit ang eleksyon ay inaabangan ang 12 senators na ini-endorse ng Regal Entertainment producer na si Mother Lily Monteverde.
At nakakatuwa dahil halos lahat ng sinusuportahan niya ay nananalo. May natatalo rin of course, pero mas lamang ang nananalo.
For 2016 elections, masuwerte si Valenzuela City (1st district) Representative Sherwin “Win” Gatchalian dahil siya ang pinaka-una sa 12 Senatorial candidates na gustong suportahan ng Regal matriarch.
Sa presscon held last Thursday night sa Valencia Events Place na pag-aari ni Mother, inihalintulad pa ng producer si Win sa naging kauna-unahang Prime Minister ng Singapore na si Lee Kuan Yew dahil pareho raw sila ng vision partikular na ang pagbibigay ng prayoridad sa kabataan at edukasyon.
On the other hand, sobrang honored naman ni Win na mapasama sa susuportahang Senatorial candidates ni Mother Lily dahil kahit noon pa man daw, natatandaan niyang laging inaabangan ang 12 senators na ini-endorse nito.
Actually, hindi na bago kay Win ang buhay sa showbiz dahil dati niyang naging girlfriend si Pauleen Luna na ngayon ay ikakasal na kay Vic Sotto. That time, lagi siyang nakikita ng entertainment press sa mga tapings ng aktres at lagi rin siyang kasama nito noon sa showbiz functions.
Pero nauwi nga sa hiwalayan ang relasyon nila at no regrets naman daw si Win dahil naging maayos naman ang kanilang paalaman. Siguro raw, talagang hindi sila para sa isa’t isa.
Ano ang reaksyon niya na ikakasal na si Pauleen sa January?
“Siyempre, masaya tayo. We’re very happy that si Pauleen is getting married already, so like any other friend, masaya naman tayo kung makikita natin na ‘yung kaibigan natin, ikakasal na, magse-settle down na. So, I’m very happy,” pahayag ni Win.
Kung iimbitahan ba siya sa kasal ay pupunta siya?
“Siguro, kung may invitation,” he said.
Loveless pa rin daw siya ngayon at 41, at nagde-date-date naman daw siya. May mga sine-set-up na rin daw ang mga friends niya na artistang ka-date pero talaga lang daw hindi nagtutuloy-tuloy.
- Latest