Pao Chief, artista na
Sila iyong mga abugadong ibinibigay ng korte sa mga taong may kaso na walang kakayahang magbayad sa mga abogado.
Aminin naman natin, noong araw, basta sinabing ang abugado mo ay PAO lawyer, sinasabi na agad ng iba, “asahan mo malamang sa hindi makukulong ka”.
Naroroon kasi iyong paniwala na iyang mga PAO lawyer noon ay mga baguhan at mga abugadong hindi naman nagsisikap kasi nga underpaid sila.
Pero nabago ang lahat ng paniniwalang iyan nang si Atty. Persida Acosta ay unang lumabas sa Face to Face noon ng TV5. Nakita ng tao kung papaanong magbigay ng opinyong legal si Acosta.
Narinig din nila kung anu-ano ang mga kasong inilalaban niya at napagtatagumpayan. Lumalabas na naipapanalo niya ang mga kaso kahit na sabihin pang ang kalaban ay gobyerno.
“Kahit naman sabihing nasa gobyerno kami, ang kailangan naming ilaban ay ang karapatan ng aming kliyente, kahit na sabihin mong gobyerno ang kalaban,”sabi niya.
Kagaya na nga lang nitong mga nakaraang araw, nang bakbakan niya iyang “talaba” o tanim-laglag-bala gang sa airport. Nakakatawa nga eh. Ni hindi alam ng airport manager ang talagang nangyayari base sa statement niya sa senado, pero si Acosta, naimbestigahan na ang lahat at may mga kasong mabilis na nai-drop dahil napatunayan niyang mali ang mga akusasyon sa biktima.
Nagkaroon din si Acosta ng sariling TV show sa TV5, at doon ay mas nakilala siya ng publiko. Mas nakilala rin siya ng mga taga-showbiz. Marami rin siyang naging karanasan dahil sabi nga niya basta iyong mga kaso ng PAO nasusulat maging ng mga showbiz writers, mas mabilis ang resolusyon ng mga kaso, kaya nasasabi niya “maski mga judge siguro at mga justices nagbabasa ng showbiz”. Kaya gusto niyang naire-report niya sa entertainment press ang mga kasong hawak ng PAO.
Pero ngayon hindi lamang TV show, lumabas na pala sa pelikula si Atty. Acosta. Pero mabilis niyang sinabi, hindi naman siya isang aktres. Ginawa lamang siyang consultant dahil sa tema ng pelikula at siya na rin ang pinalabas na abugado ng biktima ng rape sa pelikulang iyon. Kabisado naman daw niya iyon dahil napakarami na niyang rapist na naipakulong. Gusto naman ni Direk Carlo Caparas na maging makatotohanan ang pelikula, kaya mismong si Acosta na ang ginawa niyang artista.
Nakakatuwang kausap iyang si Atty. Acosta, na laging nagsasabing basta may kaso at kailangan ang tulong na legal, kahit na nasaan pa iyan, kahit na anong oras pa, nakahanda siyang tumulong. Mabuti na lang hindi siya nakumbinsing kumandidatong senador kagaya noong unang nabalita, kasi mas kailangan siya ng bayan bilang hepe ng PAO.
Polo pwede pa ring leading man, kulang lang sa push
Nakita namin noong isang araw ang actor na si Polo Ravales. Kung titingnan mo siya, nasa porma pa rin naman. At saka pinag-uusapan nga namin ng isang kritikong naroroon din noon, kung acting lang naman ang pag-uusapan, ‘di hamak na mas magaling umarte si Polo Ravales kaysa sa mga ibang nakasabayan niya noon.
Iyon nga lang, hindi siya nai-push nang husto. Kung iyang si Polo Ravales ay nai-push lang nang husto noon, aba eh iyan siguro ang big star at sikat pa hanggang ngayon.
Ang advantage kasi niyang si Polo ay talagang umaarte eh. Hindi kagaya ng iba na hanggang ngayon, matatanda na eh pabebe pa kaya walang nangyayare. Seryoso na ang role, pabebe pa.
Ngayon mga supporting roles ang ginagawa ni Polo, sa pelikula man o sa telebisyon. Pero sayang kasi iyang batang iyan iyong mai-push lang siguro ulit, puwedeng leading man pa rin iyan.
- Latest