Kontrobersya sa pamilya ni Amalia, nabawasan ang tensyon
Matagal nang istorya na inatake si Amalia Fuentes habang nagbabakasyon sa Korea. October 7 pa pala nangyari iyon. Nagkaroon daw siya ng heart attack sa kanyang hotel room mismo, at mabilis namang naisugod ng kanyang kaibigan sa isang ospital sa Seoul kung saan siya dinala agad sa ICU.
Ang alam namin, mabilis namang nagtungo roon ang kanyang kapatid na si Cheng, iyong tatay ni Aga Muhlach, para asikasuhin ang aktres. Tahimik na pala siyang nakabalik sa bansa noon pang Oktubre 27 at idineretso sa isang ospital kung saan siya nagpagaling.
Sinasabi raw ngayon ng kanyang mga doctor na mabuti na ang kanyang kalagayan, at papayagan na siyang makalabas ng ospital para ipagpatuloy na lamang ang kanyang pagpapagaling sa kanyang tahanan.
Nagulat din kami nang makatanggap kami ng isang press statement mula sa kanyang mga apo, ang mga anak ng yumao niyang anak na si Liezl kay Albert Martinez.
Nagpahayag sila kung ano ang nalalaman nila sa nangyari sa kanilang lola, at hiningi sa mga tao na ipanalangin ang mabilis na paggaling noon.
Kung natatandaan ninyo, nakasamaang loob ni Amalia ang kanyang mga apo, lalo na ang pangay na si Alyanna, matapos silang magsagutan ng mapapait na salita matapos na mamatay si Liezl. Nagalit kasi si Amalia dahil parang binale wala raw siya sa libing ng kanyang anak. Naging mainit ang usapang iyon na nauwi sa matindi ngang sagutan.
Para sa kanilang pamilya, si Alyanna ang siyang sumasagot sa kanyang lola. Mabuti naman at ngayon ay mukhang naayos na ang kanilang controversy. Ngayong wala na ang kanilang ina, sila naman talaga ang dapat tumingin sa kanilang lola.
Dahil wala na rin ang kanilang ina, sigurado naming sila ang tagapagmana ng kanilang lola, maliban na lang kung maiisipan noong ipamahagi sa iba ang kanyang kayamanan.
Mabuti naman at mukhang nagkakaayos na sila.
Ginawang pagtalikod ni Sarah sa mga pulitiko, nakakabilib
Gusto naming palakpakan ang singer na si Sarah Geronimo na nagsabi na rin ngayon na hindi siya mag-eendorso ng kahit na sinong kandidato sa nalalapit na eleksyon. Noong nakaraang eleksyon, marami siyang mga kandidatong inendorso.
Wala naman sigurong masasabing nadala si Sarah sa kanyang mga ginawang endorsements. Lumabas lang naman siya bilang isang singer sa mga kampanya noon. Siguro naman ay binayaran siya ng tama sa mga kampanyang iyon.
Pero ngayon nagpalit na siya ng isip at sinasabi nga niyang wala siyang gagawing endorsements sa ngayon at sa darating na panahon ay mag-eendorso lamang siya kung talagang pinaniniwalaan niya ang ipinaglalaban ng kandidatong kanyang ieendorso.
Ganoon naman dapat. Maaari naman mag-endorso ang isang artista ng isang pulitikong kanyang pinaniniwalaan. Basic right naman iyon ng lahat ng mamamayan. Pero dapat ang endorsement ay nakasalig sa makabayang paniniwala at hindi dahil sa bayad sa pageendorso ng mga kandidato na ginagawa ng maraming mga artista.
- Latest