Sagupaang Isabelle laban kina Paulo at Jasmine, kahindik-hindik!
MANILA, Philippines - Inaabangan na ang paghahasik ng takot at lagim ni Isabelle Daza sa kasabik-sabik na horror-thriller ng taon, ang Resureksyon! Lalabas ang award-winning actress bilang OFW na sinaniban ng kakaibang demonyo at naging pinuno ng kampon ng mga bampira na nanalasa sa kanyang kababayan!
Binusisi nang todo ng director na si Borgy Torre ang bawat eksena lalo na ang mga kaganapang magpapatayo ng balahibo ng manonood at magpapatili sa kanila nang walang humpay. Tumanggap nga naman ng papuri ang una niyang directorial job na Kabisera sa nakaraang Cinema One Festival kung saan nagwagi siyang Best Director kaya ayaw niyang mabigo ang publiko sa bago niyang obra.
Eh, suportado pa ng Regal Entertainment at Reality Entertainment (producer ng Aswang: The Tiktik Chronicles) ang pelikula na pinagbibidahan pa ng mga sikat at talented na cast.
“I’m very excited. First time kong nakatrabaho sina Belle, Paulo (Avelino), Jas (Curtis) at Sweet and I don’t remember a movie na magkasama sila na ensemble. I’m very excited sa cast. The story is about a mom (Isabelle) who leaves for abroad to look for greener pasture and them something went wrong and one day, she is brought back to the country in a coffin. Then, miraculously, mysteriously, she rose from the dead and that went wrong.
“Walang kaarte-arte si Isabelle! Nilagyan ko siya ng prosthetics, sangkangtutak na dugo
Pero wala siyang reklamo! Lahat naman sila. Promise, walang umarte sa artista ko!” pahayag ni Direk Borgy.
Ayon kay Isabelle, physically challenging ang role niya bilang bampira na patalun-talon! May mga eksena siyang ginamitan ng dobol pero may mga tagpo na siya mismo ang gumagawa ng kanyang talon at stunts.
“Mahirap but it was nice to see the footage in the end. Nakakatakot ‘yung eksena kong nakahiga ako sa kabaong. Very claustrophobic ang feeling! Ganoon pala ang feeling to be in a kabaong!” saad naman ni Belle.
Subalit sinaniban man ng masamang espiritu si Belle sa movie, umiral pa rin ang pagiging ina niya sa lumabas na anak niyang si Raikko Matteo. Lutang na lutang ang puso ng pelikula sa eksena nila.
“Challenging ‘yung pagiging ina ko kay Raikko. I wanted to portray the way na believable at may connection kami. And throughout the movie, as vampire, I still had to portray that connection!” sabi pa ng aktres.
Subalit hindi lang ang powerful cast, dumadagundong na sound effects at nakayayanig na special effects ang maipagmamalaki ng Resureksyon. Kaabang-abang din ang pakikipagbakbakan ni Belle sa lumabas na kapatid niyang si Jasmine at ng opisyal ng pulis na si Paulo na nagsagawa ng imbestigasyon sa hiwagang lumukob kay Isabelle.
Inabot ng ilang araw ang shooting para sa sagupaan ng tatlo. Kahit napagod, nangarag, at patang-pata ang mga katawan, kuntentong-kuntento si Direk Borgy sa resulta ng highlight ng pelikula.
Kahindik-hindik ang bawat eksena! Nakakagitla ang emosyon ng mga artista! At umagos ang dugo sa pagtuklas ng katotohan at kabutihan sa bandang huli!
Sasambulat na sa mga sinehan sa Setyembre 23 ang hiwaga at misteryong kinapapalooban ng horror movie ng taon, ang Resureksyon!
- Latest