Yaya Dub maliit na babae lang, pero mahusay magsalita, Totoong may-ari umiyak sa pandadawit Sheryl hindi pinasuweldo ang mga ‘hiniram’ na tauhan
Na-meet ko na kahapon nang personal si Maine Mendoza aka Yaya Dub dahil isinama ako ni Ricky Lo sa mansion ni Lola Nidora pagkatapos ng birthday lunch ni Danny Dolor na dinaluhan namin sa Sampaguita Gardens.
Maliit na babae lang si Yaya Dub pero mahusay siyang magsalita. Siyempre, nagpakuha ako ng litrato na kasama siya.
Si Papa Ricky ang nagkaray sa akin sa mansion ni Lola Nidora sa 9th Street, New Manila. Ininterbyu kasi ni Papa Ricky si Yaya Dub at mapapanood sa Celebri-TV sa susunod na Sabado ang exclusive tsikahan nila.
Sina Senator Grace Poe at Susan Roces ang mga invited guest sa birthday lunch para kay Danny Dolor.
Naroroon din si Mother Lily Monteverde, Baby K. Jimenez at ang mga kapwa ko talent managers na sina Dolor Guevarra, June Rufino, Shirley Kuan, Girlie Rodis at Manay Ichu Maceda.
Napag-usapan namin si Norma Lim, ang inaanak sa kasal nina Manang Inday at Fernando Poe, Jr.
Si Norma ang Ninang Norma na inakusahan ni Sheryl ng harassment dahil natigil daw ang kanyang Paper Bags Livelihood advocacy mula nang magsalita siya na hindi niya susuportahan ang presidential bid ni Senator Grace.
Nagpainterbyu si Norma noong Biyernes at ito sana ang pupuntahan ko pero hindi na ako tumuloy dahil naligaw ako.
Hindi ko mahanap ang restaurant sa Mandaluyong City na venue ng pagpasasalita ni Norma at na-trauma ako sa tubig baha na nadaanan ko.
Nakakaloka dahil hindi naman umulan noong Biyernes pero bahang-baha sa isang parte ng Mandaluyong City na hindi kalayuan sa city hall.
Pinanood ko na lang sa mga news program ang interbyu kay Norma kaya nalaman ko na siya pala ang may ari ng Paper Bags Livelihood at hindi si Sheryl. Ang sey ni Norma, tumigil na si Sheryl sa paper bags livelihood advocacy nito mula pa noong December 2014.
Napaiyak si Norma habang nagsasalita dahil bukod sa walang katotohanan ang bintang ni Sheryl laban sa kanya, nasaktan siya sa mga ginagawa ni Sheryl kina Manang Inday at Senator Grace.
Hindi lamang si Norma ang nagpainterbyu sa TV dahil nagsalita rin ang mga trabahador ng paper bags livelihood na binabayaran ni Sheryl ng barya-barya. Nag-dialogue nga si Norma na hindi makakabili ng isang kilo na NFA rice ang ibinabayad ni Sheryl sa mga pobreng gumagawa ng paper bags.
Negang-nega na si Sheryl dahil sa pagsasalita niya laban kay Senator Grace.
Marami na ang imbyerna sa kanya at marami ang kumbinsido na may mga nag-uudyok na siraan niya si Senator Grace.
May pangalan na ang ex-congressman na diumano’y na-sight na kausap ni Sheryl sa isang restaurant sa Morato Avenue, dalawang linggo bago siya nagsalita na hilaw pa si Senator Grace para maging pangulo ng Pilipinas.
Nag-deny na si Sheryl, wala raw nag-uudyok sa kanya dahil masyadong mataas ang talent fee niya. Kung talagang mahal ang kanyang talent fee, bakit masyadong mura ang ibinabayad niya sa mga gumagawa ng paper bags?
- Latest