Robin pinatay din!
MANILA, Philippines – Si Robin Padilla ang latest showbiz personality na pinatay kahapon sa social media. Magaling nga ‘yung nag-imbento ng kuwento dahil detalyado ang rason ng pagkamatay ng Action King dahil sa carjacking, huh!
Siyempre pa, bayolente ang naging reaksyon ng manager ni Binoe na si Betchay Vidanes, huh! Sandamukal kasi ang tumawag sa kanya upang malaman kung totoo ang balita!
Nagulat siyempre ang lahat sa maling balita. Matapos nga namang kumalat na magiging ama na si Robin ng anak nila ni Mariel Rodriguez, saka pa lumabas ang masamang balita, huh!
Kaya naman huwag basta paniniwalaan ang mga na-isi-share na balita sa social media. Bago si Robin, ang ABS-CBN President na si Charo Santos ang huling pinatay sa Twitter at nag-trending pa ito, huh!
Dingdong gaganti sa birthday ni Marian!
Si Nora Aunor ang huling pasabog na guest celebrity sa GMA-7 faith-serye na Pari ‘Koy (PK) ni Dingdong Dantes. Kahapon nag-taping sa San Jose del Monte, Bulacan ang superstar na binisita ng press.
Bago si Ate Guy, ang ilang Kapuso stars na naging bahagi ng programa ay sina Carla Abellana, Louise de los Reyes at Andrea Torres. Patunay lang na suportado talaga ng network ang programa ng Primetime King.
Last three weeks na ang PK. Una itong umere sa napapanood na programa sa gabi pero ito ang huling matatapos. This week ang finale ng shows na Let The Love Begin at The Rich Man’s Daughter na mas huling umere kesa sa show ni Dong.
Pero hindi pa rin mababakante sa trabaho si Dingdong gaya ng asawa niyang si Marian Rivera. By September, balita naming ilalabas na ang bagong edisyon ng Starstruck kung saan siya ang host habang si Yan Yan ay every Sunday muna mapapanood simula ngayong Linggo na Sunday PinaSaya.
Kung noong nakarang birthday pala ni Dong last August 2 ay sinurpresa siya ni Marian, tiyak na susuklian niya ito sa August 12 na birthday naman ni Misis Dantes, huh!
Hindi ako mapakla kahit hilaw - Grace
Niratrat na ng birada si Senator Grace Poe dahil sa hindi pa niya pagdideklara na sumang-ayon sa alok ng Liberal Party na maging Vice President ni Sec. Mar Roxas. Maging ang congressman ng Caloocan na si Erice ay sumawsaw din.
Buti na lang marunong sumalag ang senadora sa banat sa kanya. Hindi pa raw kasi siya hinog sa posisyon ng presidente kaya mapakla ang magiging dating niya sakaling ang number one position ng bansa ang takbuhin niya.
“Hindi ako mapakla!” tugon ni Sen. Grace sa pasaring sa kanya.
Pero hindi pa tapos ang banat sa senadora. May nakaambang disqualification case raw sa kanya bilang senador. Apparently, hindi naman natitinag ang senadora base sa pahayag niya.
Suportado ng entertainment media si Sen. Grace.
Dahil sure ang senadora na mas marami siyang mahahanap na kakampi sa mga taong naging malapit din sa puso ng mga magulang na si FPJ at Susan Roces, huh! Eh sa totoo lang, di hamak naman na mas maraming nagbabasa ng showbiz section ng mga dyaryo kesa sa mga hard news, huh!
- Latest