ABS-CBN, idinemanda ang mga namimiratang website
MANILA, Philippines – Nagsampa ang ABS-CBN Corporation, ABS-CBN Productions Inc. (Star Cinema), at ABS-CBN International sa US Federal District Court ng Florida noong November 21 ng kasong infringement ng copyrights at trademarks ng mga palabas at mga pelikula ng ABS-CBN, laban sa 18 na pirate sites. Ang danyos ay nagkakahalaga ng $12 million.
Ang mga nakasakdal ay mga partner at unincorporated associations na na ngangasiwa sa pamamagitan ng mga domain names ng nakarehistro sa U.S, at iba pang lugar. Ito ay ang mga sumusunod na domain names: 1) buhaypinoyofw.net; 2) freepinoytvshows.net, pinoylovetvshowreplay.com; 3) hapeetube.biz, lovelytube.biz, pinoy-telebisyon.biz, pinoy-telebisyon.org; 4) lambingan.tk; 5) movieserye.com; 6) pinaytambayan.org; 7) pinoy-ako.me; 8) pinoymoviegallery.net; 9) pinoytambayan.me; 10) pinoytelesine.com; 11) pinoytopmovies.com; 12) pinoytv.me; 13) projectcabbage.com; 14) tambayanofwtv.info; 15) telebesyon.com; 16) telebyuwers.ph, telebyuers.tv; 17) teleseryereplay.com; at 18) yzreplay.com.
Base sa isinampang reklamo, ang mga nakasakdal ay nagpapalabas daw sa pamamagitan ng on-demand streaming ng mga full-length versions ng mga programa at pelikula ng channel 2. Diumano ay madalas na ipinapalabas sa mga website na ito ang pinakabagong content ng Kapamilya Network ilang oras o minuto lamang matapos ang original broadcast nila mula sa Pilipinas.
Pinaratangan din ang mga nasabing websites na nagbibigay daw ng mga links sa mga ABS-CBN shows, at nagpo-promote at nag-a-advertise ng content na tila bahagi sila ng network, gamit ang search engine optimization at meta tags, na kapag na-click, ay didiretso sa mga naturang websites.
Ayon kay ABS-CBN AVP of Global Anti-Piracy Elisha Lawrence, ‘‘Parte ito ng aming walang humpay na kampanya para makilala at maparusahan ang pirates na may sites na diumano’y naglalaman ng mga malware content na maaaring makabiktima ng mga inosenteng tao na nagnanais lamang manood ng mga palabas at pelikula ng ABS-CBN.’’
Ang bagong kaso na ito ay kasunod ng nangyaring raid na naganap sa Victoria, Australia sa tahanan ni Mary Smith sa suburb ng Barooga, New South Wales kung saan natagpuan ang daan-daang pirate ABS-CBN DVDs, DVD burners at ABS-CBN movies sa computer hard drives. Kamakailan din ay nanalo ang network sa US$10 million case nito mula U.S. Federal District Court sa Oregon laban kay Jeffrey Ashby dahil sa pagpapalabas niya ng mga trademark shows at movies ng network sa kanyang mga pirate websites, kabilang na watchfilipinotv.com, watchfilipinomovies.com, at pinoytalaga.com.
- Latest