‘The Amazing Race Philippines’ isang linggo na lang bago ang Final Pit Stop! Teams mag-ama at nerds, pinauwi na ni Derek
MANILA, Philippines – Matapos ang kanilang emosyonal na episode sa Bohol at isang non-elimination leg na nagbigay sa kanila ng ‘second chance’ sa karera, mukhang ‘di talaga kapalaran ng mag-ama na sina AJ at Jody Saliba na mapabilang sa Final Four. Samantala, hindi nailigtas ng “katalinuhan” ng nerds na sina Vincent Yu at Ed Manguan ang kanilang mga sarili mula sa double eliminations ng ikawalong leg ng karera.
Mula Bohol ay tumungo ang mga racers sa Ilo-ilo, kung saan nagawang makatalon nina AJ at Jody mula sa huling pwesto patungong second place. Pero hindi payag ang natitirang racers sa ‘second chance’ na nabigay sa mag-ama kaya naman lahat ng teams ay ginamitan sila ng kani-kanilang mga U-Turn cards. Para kina chefs Roch Hernandez at Eji Estillore, kailangan na magpahinga ng 52-year-old na si AJ dahil matanda na ito at mukhang pagod na sa karera.
Tinawag mismo ng mga racers ang leg na ito na isa sa mga pinaka-nagkaroon ng impact sa kanilang buhay. May challenge kasi sa Iloilo City Proper kung saan kailangan nilang humingi ng tulong sa mga taga-roon upang gabayan sila paikot sa siyudad habang nakapiring. Matapos ang challenge ay nagulat at talagang nahabag ang mga racers nang makilala nila sina Tammi at Marvi, mga batang bulag na siyang naging “clue-giver” para sa task na ito. Dito nila naintindihan kung gaano sila kapalad at kung paano nila dapat pahalagahan ang mga pagpapalang ito.
Ang dating couple na sina Matthew Edwards at Phoebe Walker ang nauna sa Leg 8 pit stop at nag-uwi ng PHP 200,000 cash prize mula sa PLDT Home Ultra. Sinundan sila ng magkapatid na sina Jet at Yna Cruz, at chefs Roch and Eji na sabay dumating sa pit stop para sa ikalawa at ikatlong pwesto. Nakuha naman ng “Miracle Boys” na sina Mr.Pogi Kelvin Engles at John Paul Duray ang ikaapat na pwesto at huling safe spot sa karera, habang naiwang luhaan ang teams Mag-ama at Nerds na automatically ay tanggal na sa karera dahil sa double eliminations ng leg na ito.
Sa kabila ng kanilang pagkatalo, wala raw pagsisisi ang mag-amang sina AJ at Jody at inamin nilang mas pinatatag ng karera ang kanilang pagsasama:
“We raced as hard as we can. Fair as possible, and as fast as we can. Unfortunately it was a double elimination. But no regrets,” banggit ni Jody sa kanilang official team Twitter account.
Samantala, nagpasalamat naman sina Vince at Ed sa mga sumuporta kahit na maraming mga nagalit sa kanila sa social media.
“Amazing ride, amazing experience, amazing eight legs. Thanks to everyone who supported,” banggit ni Ed sa kanyang Instagram account.
Sino ang papasok sa Top 3? At sino ang tatanghaling kampeon ng pinakamalaking reality show sa bansa?
Huwag palampasin ang aksyon at adventure sa huling linggo ng Amazing Race Philippines 2! Hatid ng Rexona at sinusuportahan ng PLDT Home Telpad, Summit Natural Drinking Water, Kia Motors, RCD Royale Homes, Shell V Power Nitro +, at ng Resorts World Manila, ang karera ay mapapanood gabi-gabi tuwing alas-9. Magkakaroon din ng espesyal na one-hour eliminations episode sa Sabado (ika-6 ng Disyembre) bago ang espesyal na one-hour finale sa Linggo (ika-7 ng Disyembre) sa TV5.
- Latest