Pang-third na rape case kay Vhong, nabasura na rin
Ngayong naubos na ang lahat ng kasong rape na isinampa laban sa komedyanteng si Vhong Navarro, matapos na ibasura na rin ang kasong isinampa laban sa kanya ng isang stuntwoman, na si Margarita Fajardo na nagbintang na iyon ay kanyang ginahasa sa loob ng isang van habang sila ay nasa isang taping, siguro makakahinga na ang komedyante ng maluwag.
Naunang naibasura ang dalawang rape cases na isinampa laban kay Vhong ng kontrobersiyal na ring si Deniece Cornejo. Naibasura na rin ang rape case na isinampa ni Roxanne Cabañero. Bukod sa ibinasura ang kasong isinampa ni Cabañero, bina-bash pa siya hanggang ngayon ng fans kaya pati nga ang pagsali niya sa Miss World ay naudlot. Ngayon tapos na rin ang kaso ni Fajardo.
May mga nagsasabi nga, kung nabasura ang sunud-sunod na mga kaso ng rape na isinampa nila laban kay Vhong, masasabi bang lumakas ngayon ang kanyang kaso laban kina Cornejo, Cedric Lee, at Zimmer Raz.
Masasabi nga siguro nating lumakas kung ang batayan ng usapan ay nagkaroon ng ganoong bugbugan dahil sa rape. Kasi sinabi na ng piskalya na walang kasong rape sa pagitan nila ni Deniece Cornejo, at iyong mga abogado naman ni Cornejo, mukhang hindi na naghabol dahil ang mas mahalaga sa kanila ay makalaya siya kahit na pansamantala. Sa pagkakabasura rin ng dalawang iba pang kaso, na sinasabi nga ng iba na “hindi maikakailang may kaugnayan din sa kaso ni Cornejo”, mukhang naka-angat nga si Vhong nang kaunti.
Pero ang sinabi lang naman ng piskalya ay “walang rape”. Hindi naman nila sinabing “walang contact” sa pagitan nina Vhong at Cornejo, na posibleng siyang nagtulak sa mga kasunod na pangyayari.
Sa kaso naman nina Cabañero at Fajardo, pareho rin silang nanahimik na matapos na ibasura ng piskalya ang kanilang isinampang kaso laban kay Vhong kaya wala na rin iyan.
Pero ang paniwala namin, matagal-tagal pa ang itatakbo ng kasong kinasangkutan ni Vhong. Mukhang kailangan pa niyang labanan nang matagalan ang kanyang mga idinemanda. Kaya nga lang bawas na ang burden sa kanya dahil naibasura ang mga kasong rape laban sa kanya.
Mga Director noon mas mahusay kesa ngayon
Hindi na rin bago ang pagsali ng mga artista natin sa mga foreign films, kagaya ng nangyari kay Anne Curtis. Noong araw pa, napapanood na natin sina Jonee Gamboa, at iba pang mga character actor at dramatic stars sa mga Hollywood films. Hindi lang mga artista, maging ang mga director natin kagaya nina Cirio Santiago, Eddie Romero, at ilan pa ay kinukuha pa para maging director niyang mga American movies.
Kaya kung iisipin, wala pa iyang mga director na may mga pelikula lamang na nakakasali sa maliliit na festivals sa abroad. Noong una pa, gumagawa na ng foreign films ang mga artista at director na Pilipino. Mas ok pa nga noon eh kasi legit ang ginagawa nila. Hindi sa maliliit na international film festival lang.
- Latest