Komedyante gustong magpakamatay, binantaan palang papatayin ng ex ng gf
Matindi ang usapan ngayon tungkol sa “depression,” lalo na nga’t maliwanag na iyan ang dahilan ng pagpapakamatay ng sikat na komedyante sa Hollywood na si Robin Williams. Nagkaroon siya ng mga problema, nagkaroon din ng alcoholic problems, hanggang sa inatake na nga ng matinding depression dahil maliit na ang kanyang kita. Bagama’t alam naman nilang medyo dismayado sa kanyang buhay si Robin Williams, hindi nila akalain na iyon ang magtutulak sa kanya para mag-suicide.
Kamuntik na ring mangyari iyan sa isang komedyanteng Pinoy, na nang malaunan ay kinilalang Jobert Austria, na isang regular daw sa isang gag show ng ABS-CBN. Nasa isang mall kami sa Quezon Avenue, sa loob ng supermarket noong isang araw nang nakita namin ang pagkakagulo sa tapat. Maraming taong nanonood. Hanggang sa makita namin na may isang taong nakalambitin doon sa ilaw ng karatula ng isang hotel na nasa tapat lamang ng supermarket. Umakyat kami sa mas mataas na floor, para mas makita namin ang nangyayari. Matagal din ang dramang iyon, hanggang sa may sumungaw na mga bumbero raw iyon, at hinila nila ang taong gustong magpakamatay pabalik sa hotel.
Inaresto ng mga pulis si Jobert Austria pagkatapos, para maimbestigahan kung bakit niya ginawa ang ganoon. May batas laban sa pagsira sa public order. Nalaman namin nang malaunan na iyan palang si Austria ay may girlfriend, pero may asawa iyon. Pinagbabantaan diumano siya ng tunay na asawa ng kanyang girlfriend na papatayin siya, kaya natakot siya. Pero ang tanong nga namin, kung natakot siya dahil sa pinagbabantaan siyang papatayin ng asawa ng kanyang girlfriend, bakit magpapakamatay siya? (May balita pong walang asawa ang GF, ex BF lang. - SVA)
Kung takot siyang mapatay, bakit siya pa ang gagawa ng paraan para mamatay?
Palagay namin may iba pang pinagdadaanan iyang si Jobert Austria na iyan. Ang normal na gagawin ng isang taong natatakot na mapatay ay hihingi ng tulong, hindi magpapakamatay. Palagay namin kailangan ang mas malalim na imbestigasyon diyan.
Depression ng mga artista nadadagdagan ng mga tsismis
Mahirap ang buhay ng isang artista. Una nagkakaroon ng epekto sa kanila ang paglalaro nila sa kanilang mga emosyon dahil sa trabaho. Trabaho nilang umarte at lumikha ng emosyon kahit na hindi iyon ang tunay nilang nararamdaman. In the end, nagkakaroon iyon ng epekto sa kanila.
Ang buhay ng isang artista, sabi nga nila, ay parang gold fish sa isang aquarium na ang lahat ng kilos at ginagawa ay pinanonood ng mga tao. Lahat ng ginagawa nila natsi-tsismis. Kung minsan ang mga tsismis na iyan ay nakasasakit sa kanilang damdamin. Iyon ay nagdudulot ng depression.
Maging ang mga sikat na artista, iyong kumikita nang malaki, at hinahangaan ng libu-libong fans, nagkakaroon din ng depression. Minsan nga sa aming kuwentuhan, inamin ni Governor Vilma Santos na noong araw nagdanas din siya ng matinding depression lalo na noong naipit siya ng utang sa BIR, at tapos may lumabas pang tsismis tungkol sa betamax. Mabuti na lang maganda ang upbringing ni Ate Vi, kaya hindi siya nagumon sa alak o anumang masamang bisyo sa kabila ng depression.
Actor matindi ang lungkot sa naka-schedule na pagsibak sa kanyang show
Mayroon na naman kaming narinig, matinding depression din daw ang pinagdadaanan ngayon ng isang male star, dahil sinabihan na siyang sisibakin na ang kanyang show na nabigong magkaroon ng ratings. Tapos biktima pa siya ng maugong na tsismis tungkol sa kanyang seksuwalidad.
Natural nga lang na dumaan siya sa matinding depression dahil diyan. Sana naman huwag siyang makaisip na gumawa ng mga bagay na hindi mabuti dahil sa nararanasan niyang depression.
- Latest