Ate Vi hindi atat magka-award, mas gustong kumita ang pelikula
Ang advantage talaga ni Governor Vilma Santos bilang isang aktres simula pa noong una ay ang kanyang box-office appeal. Sayang nga lang eh, wala na si Atty. Espiridion Laxa, dahil noong nabubuhay pa siya, siya ang talagang unang makapagpapatunay niyan. May panahong ang kanyang kumpanya ng pelikula, ang Tagalog Ilang-ilang Productions, na noong panahong iyon ay isa sa mga pinakaaktibong kumpanya ng pelikula ay wala halos ginagawang ibang pelikula maliban sa mga pelikula ni Ate Vi.
Nauna roon, ang artista ng TIIP ay si Tony Ferrer na kapatid ni Atty. Laxa. Tapos noon halos puro Vilma Santos movies na ang kanyang ginawa sa loob ng maraming taon. Kung sa bagay, nariyan pa naman si Maning Borlaza, ang kilalang director na makapagpapatunay din niyan.
Nabanggit lamang namin ito dahil sa nasabi ng isang kritiko na sa ngayon daw, masasabing si Vilma pa rin ang highest grosser sa isang indie film festival. Hindi lang doon sa actual festival ang batayan kung ‘di sa katotohanang matapos iyon, naipalabas pa ang pelikulang indie ni Vilma sa mga sinehan sa buong Pilipinas at hanggang sa mga commercial theaters sa abroad. Magugulat ka samantalang karamihan sa mga pelikulang indie, kahit na ang bida ay ang mga sinasabi nilang mga sikat pa raw, ni hindi mailabas sa mga commercial theaters dahil nangangamote sa takilya at nalulugi pa ang mga sinehan oras na magkaroon ng commercial exhibition.
Si Ate Vi kasi, hindi mayabang na ang hinahabol ay awards. May award man o wala, kilala na siya ng tao bilang isang mahusay na aktres. Wala na siyang kailangang patunayan. Ang talagang concern niya ay kikita ba ang pelikulang gagawin niya? Kasi kung kikita iyon, magpo-produce ulit ang namuhunan, ibig sabihin magkakaroon ng mas maraming trabaho ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula. Kung kagaya nang iba, gagawa ng pelikula, mananalo nga ng awards, pero pagkatapos noon kailangang humanap na naman ng financier para sa susunod na pelikula dahil naluging lahat iyong nauna.
Si Ate Vi, palibhasa halos dalawang dekada nang public servant, hindi na iniisip niyan iyong self glory eh. Ang iniisip na niyan ay kung ano naman ang buting magagawa ng mga proyekto niya para sa ibang tao.
Mahalaga sa kanya ang box-office.
Fifth aabangan kung nakatulong ang pag-aming bisexual
Napalabas na rin pala iyong si Fifth Pagotan doon sa contest nila, sa kabila ng pag-amin niya na siya ay kabilang sa “ikatlong lahi”. Iyong pag-amin ni Fifth kahit na papaano ay nakadagdag sa interest ng mga mahihilig sa tsismis sa kanilang show.
“Bakit naman nila inalis pa si Fifth” tanong ng isa naming kakilala. “Maliwanag naman siguro that he has served his purpose,” sagot naman ng isa pa.
Ngayon hintayin natin kung ano ang kababagsakan niyang si Fifth matapos niyang aminin na siya ay isang bading. Tingnan natin kung makakatulong nga iyon sa kanyang career. Kasi si Rustom Padilla pagkatapos na umaming bading siya diyan sa show na iyan, hindi na talaga nakagawa ng come back.
Iba pa rin ang mentalidad ng mga Pilipinong fans eh. Kaya tingnan ninyo iyong isang gay matinee idol, punit-punit na ang kapa, ayaw pang umamin.
- Latest