Mo Twister tagumpay sa pagpapa-kontrobersiya
Successful si Mohan Gumatay alyas Mo Twister. Matagal nang hindi napag-uusapan iyang DJ na iyan eh, simula nang tumakas siya patungong U.S. para iwasan ang demanda laban sa kanya ni Rhian Ramos. Nagkalat kasi siya ng isang video na umiiyak pa at sinabing may ginawang hindi maganda ang dati niyang girlfriend na si Rhian habang sila ay nasa Singapore. Siniraan pa niya pati ang GMA 7, dahil sinabi niyang mga executives noon ang nagsulsol kay Rhian na gawin ang isang hindi magandang bagay para sa kanyang career.
Mukhang walang naniwala na papatulan siya ng magandang si Rhian Ramos, kaya ang sumunod na ginawa niyang si Gumatay, naglabas naman ng video na kung saan nakitang naghahalikan sila ni Rhian. Matapos ang pagkalat ng dalawang video na iyon, nagsampa ng demanda si Rhian laban sa dati niyang boyfriend na nanira sa kanya pagkatapos ng kanilang split. Iyan namang si Gumatay, pumuslit agad sa U.S. bago pa may lumabas na warrant laban sa kanya.
Hindi iyan ang una niyang controversy. Naging girlfriend din niya noon si Bunny Paras. Nagkaroon sila ng anak na hindi man lang niya nasuportahan kahit na noong nagkasakit iyong bata.
Pero hindi na nga napag-uusapan iyang si Gumatay dahil marami ring galit sa kanya, lalo na iyong mga siniraan niya, noong mayroon pa siyang radio program sa Pilipinas. Pero ngayon pinag-uusapan na naman siya matapos niyang “i-cyber bully” ang mga anak ni Senador Jinggoy Estrada.
Siguro nga hindi maganda ang damdamin ng maraming Pilipino kay Senador Jinggoy, pero una, sa ilalim ng batas ay hindi pa naman napapatunayang may kasalanan siya. Kung may kasalanan naman siya, siya ang gumawa noon at hindi ang kanyang mga anak. Bakit hindi si Senador Jinggoy ang i-bully niyang si Gumatay? Bakit iyong mga anak ng senador?
May mga kumakampi pa rin kay Gumatay. Alam naman ninyo ang ugaling Pilipino, masyadong mga alaskador din. Pero kung may nakikita kang mali sa isang tao, hindi ka makagagawa ng mabuti sa paggawa ng isa pang mali. Kung galit ka dahil sa paniwala mong may ginawang krimen, mali ka kung gagawa ka ng isa pang krimen. Iyang cyber bullying ay isang krimen.
At saka baka ok lang iyan eh, kung hindi rin talamak ang mga unang ginawa ni Gumatay. Pero successful siya ha, at least napag-uusapan na naman siya.
Mga ginagampanang karakter ni Richard nagmamarka
May nagsasabi, hanggang kailan daw kaya tatagal ang kasikatan ni Richard Yap, o ni Ser Chief ng Be Careful with My Heart? Una, sino nga ba ang mag-aakalang sisikat siya nang ganyan, pero mabilis nga siyang nakilala noong makasama siya sa serye noon ni Kim Chiu tungkol sa Chinese community. Ang tawag sa kanya ng mga tao noon ay Papa Chen. Maliwanag na mabilis siyang ma-identify sa mga characters na kanyang ginagampanan. Ibig sabihin mahusay siyang artista.
Limitado na nga lang ang roles na maaari niyang gawin dahil sa kanyang edad, pero hanggang may mga ganoong roles na available, at maisasama sa cast si Ser Chief, palagay namin mananatili siyang sikat. Malakas talaga ang batak niya sa mga tao eh.
At ganoon nga, identified siya sa mga characters na ginagampanan niya dahil sa mahusay niyang pagganap. At ang mga ganyang klase ng mga artista ang siyang nagtatagal.
- Latest