Basketball cager Gary David pangarap lang dating makagamit ng kutsara at tinidor
MANILA, Philippines - Kilala siya sa tawag na El Granada dahil sa mga pasabog niyang puntos. Siya rin si Mr. Pure Energy dahil sa liksi at bilis niya sa court. Kilalanin ang shooting guard ng Meralco Bolts na si Gary David sa Powerhouse ngayong Miyerkules, Mayo 21, sa GMA 7.
Friday the 13th nang isinilang si Gary kaya marami raw ang nagsasabi na malas siya. Pero may isang matandang nagsabi sa kanya na may ibang kahulugan ang unang ngipin niyang tumubo sa itaas na titingalain daw siya balang araw.
Laki sa bukid at taga-suga ng kambing si Gary. Pangarap niyang makagamit ng kubyertos sa hapag kainan dahil ang mga mayayaman lang daw ang gumagamit ng mga ito. Pangarap niyang maka-ahon sa kahirapan at makapaglaro ng basketball sa PBA.
Sa panayam ni Kara David, ibabahagi ni Gary kung paano niya nasalo ang tagumpay sa paglalaro ng basketball. Mula sa pagiging varsity sa isang unibersidad hanggang sa pagiging MVP ng PBL, nagtuloy-tuloy na ang pagtahak ni Gary sa kanyang pangarap na maging professional basketball player sa PBA.
Dahil sa paglalaro ng basketball, natupad ni Gary na magkaroon ng sariling bahay. Taong 2011 nang lumipat ang kanyang pamilya sa tatlong-palapag na townhouse, kung saan ang interior ay dinisenyo ng kanyang asawang si Jenny. Mas napili raw niya na tumira rito dahil sa seguridad ng kanyang pamilya.
Ang pinakapaborito raw ni Gary na parte ng kanyang tahanan ay ang kusina. Madalas daw kasi siyang magluto para sa kanyang pamilya. Matitikman ni Kara ang ipinagmamalaki ni Gary na kare- kare.
Sa sulok ng sala naman makikita ang ilang tropeo at awards na nakuha ni Gary sa pagba-basketball.
Kapansin-pansin din ang isang frame na puno ng paa nilang mag-anak. Ano nga ba ang kahulugan nito sa buhay niya?
Ang Powerhouse ay mapapanood ngayong Miyerkules ng gabi, Mayo 21, pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.
- Latest