Sarah, Angeline, at Maestro Ryan ibabahagi ang mga kuwento sa likod ng Pinoy hits
MANILA, Philippines - Bakit nga ba pagdating sa musika, isa ang lahing Pilipino sa itinuturing na pinakamagaling at pinakapinapalakpakan saan mang panig ng mundo?
Iyan ng bubusisiin ni Cheche Lazaro sa pagpasok niya sa mundo ng musika tampok ang iba’t ibang mukha ng musikerong Pinoy sa dokumentaryong Cheche Lazaro Presents: Pinoy Hits na mapapanood ngayong Linggo (Mayo 18).
Sa paghahanap ng kasagutan, papasukin ng Cheche Lazaro Presents ang ilang amateur singing contests, kung saan sumasabak ang maraming mang-aawit hindi lang upang kumita para sa kanilang pamilya, kundi para na rin sa pag-asang makilala at sumikat.
Makikipagtalakayan din kay Cheche ang ilang personalidad na nakagawa na ng pangalan sa industriya kabilang sina Ryan Cayabyab, Sarah Geronimo, Angeline Quinto, Rachelle Gerodias, at ang magkakapatid na Isidro kabilang si Agot. Ibabahagi nila ang kani-kanilang pakikipagsapalaran bago pa man sila idolohin ng kapwa Pilipino at gumawa ng ingay sa mundo ng musika. Maging ang OPM (Organisasyon Ng Pilipinong Mang-Aawit) chairman of the board na si Mitch Valdez at lead vocalist ng The New Minstrels na si Louie Reyes ay magbibigay din ng kani-kanilang pananaw kung bakit nga ba tila likas na sa mga Pinoy ang pagtataglay ng talento sa musika.
Ang Cheche Lazaro Presents: Pinoy Hits ay mapapanood ngayong Linggo (Mayo 18) pagkatapos ng Gandang Gabi Vice sa Sunday’s Best ng ABS-CBN.
- Latest