Rhian binuburo ng GMA
Lumabas ang isa pang talent ni Rhian Ramos sa kanyang guesting sa show ni Arnold Clavio sa GMA News TV. Nakakapag-drums pala siya bukod pa sa alam na ng karamihan na nakakakanta siya.
Sayang at hindi ‘yun ang naha-highlight sa kanya sa kanyang home network. Matagal-tagal na rin siyang walang teleserye, bakit kaya hindi mai-push ang talento ni Rhian sa musical o variety show?
Kung anu-ano na tuloy ang pinaggagagawa niya habang tengga. Pinagdidiskitahan ang buhok, panay ang selfie sa Instagram, at nag-aral pa ng race driving.
Pero ang sabi niya sa nakaraang TV guesting, may lalabas siyang album. Pero hindi naman pala siya kakanta kasi isang dance album ang nabuo niya. Iba na kaya ito sa na-release niyang isang kanta lang, ang You, na napasama sa compilation ng isang dance album noon pang 2009?
Kung marami pang gustong gawin si ÂRhian, baka naman hindi talaga siya para sa aktiÂngan? Marami pa siyang puwedeng i-explore. Mabuburo lang siya kung maghihintay lang ng TV project na padalang na nang padalang.
Lea walang mapapasahan ng korona
Napanood ko sa ABS-CBN ang pag-ere nila sa nakaraang Playlist concert ni Lea Salonga. Doon pala nabinyagan ang unica hija niya na kumanta sa harap ng malaking audience. Kahit sinong magulang nga naman ay magiging proud na naitawid ng kanyang anak ang kanta kahit nahihiya pa.
Pero, at ito ang isang malaking pero, hindi nagmana kay Lea ang boses ng anak! Hindi naman sablay to the max ang bata at hindi rin masyadong lumihis sa tono pero talagang hindi makitaan ng tatak-Lea noong nag-uumpisa pa lang ang kanyang ina.
Sa edad lima o anim na taon lang kasi ay maririnig na sa bata kung may angking singing voice o wala. Kapag nga mga pitong taon na ay may nakakabirit na kahit paano.
Kung sabagay marami pa namang linya sa musika na puwedeng kahantungan ng anak ni Lea. Malay naman natin kung maging musikero o composer siya paglaki? O conductor tulad ng kanyang Uncle Gerald Salonga? Hindi naman siguro ikawawasak ng mundo ni Lea kung wala siyang mapapasahan ng kanyang korona.
Red Hot… na-enjoy ang Siargao
Nagtapos na ang maliligayang araw ng Red Hot Chili Peppers sa ‘Pinas. Mukha namang na-enjoy talaga nila ang Siargao surfing kahit sandali lang.
Ang maganda sana nilang gawin pagbalik sa Amerika ay maka-engganyo pa ng ibang banda na dumayo rin sa ating bansa, kahit walang imbitasyon na mag-concert. ‘Yun bang turismo lang ang pakay.
Siguro naman pambawi na ‘yun ng mga organizer na nagbayad ng malaki sa kanila. Maibabalik ng Red Hot Chili Peppers sa bansa ang mga dolyares na nawala kasi may papasok namang bago. Kesa sa Thailand lang madalas nagliliwaliw ang mga foreign artist eh mag-Pilipinas naman sila!
***
May ipare-rebyu? E-mail: [email protected]
- Latest