Iron Man 3 dinudumog!
Ang lakas ng hatak ng Iron Man 3. Talagang nagkaroon na ng following ang bayaning bakal na imbensiyon ni Tony Stark (Robert Downey, Jr.) kahit nauna pang ipalabas ito sa Pilipinas, kasabay ng iba pang malalaking bansa, kesa Amerika na May 3 pa ang playdate. Ibig sabihin hindi pa kumakalat ang mga spoiler at feedback pero dinumog na ito ng mga tao nung unang araw, April 24, ng showing sa atin. Lahat ng mga sinehan sa Glorietta 4, Greenbelt 1, at Greenbelt 3 sa Makati City ay ubusan ng tiket at nagkabakante lang ng konti sa last full show na 11:00 p.m. At Iron Man 3 lang ang nag-iisang palabas.
Salamat at worth it naman ang panonood ng dalawang oras. Magaling ang pagkakagawa ng bagong humawak na direktor sa third installment, si Shane Black. Siya rin ang nag-ayos ng script na ibinilin ni Jon Favreau. Si Jon ang dating nagdirek ng Iron Man 1 at 2 na siya ring executive producer hanggang ngayon. Pero bukod sa pagpo-produce, sa ikatlong pelikula ay umakting na siya bilang si Happy Hogan, bodyguard/head of security ng Stark Industries at kaibigan na rin ni Tony.
Tatlong taon na ang nakalipas pagkatapos ng Iron Man kaya mahirap nang maalala lahat ang nangyari sa buhay ng bilyonaryong henyo na si Mr. Stark/Iron Man. Pero ang ipinaalaala ng Iron Man 3 sa istorya ay ang trauma ng bida sa nakaraang sagupaan sa pelikulang The Avengers na kabilang si Tony. Dito sa part three ipinakita ang kahinaan ng tao sa likod ng robot – nagka-anxiety attack na ang mayamang bida.
Pero walang kaso ’yun sa kanya, tulad din sa pagwawalang-bahala niya sa puso niya na artificial na lang, dahil maning-mani sa kanya ’yung atake. Ang hindi niya makakaya ay ang malagay sa panganib ang dakilang girlfriend at kanang kamay niya sa kumpanya, si Pepper Potts (Gwyneth Paltrow). Pumangalawa na lang ang US president at iba pang parte ng mundo kay Iron Man.
Ang mga kontrabida na nanggulo ay pinangunahan ni Guy Pearce bilang ang scientist na si Aldrich Killian. Assistant niya ang botanist na si Maya Hansen (Rebecca Hall) na may nakaraan kay Tony, na super playboy pa noong 1999, at nagkimkim ng galit tulad ng amo niya. Pareho kasi sina Aldrich at Maya na nakaramdam ng rejection ni Tony. Nasayang ang katalinuhan ng dalawa kasi nagamit lang sa kasamaan. Panoorin na lang sa sinehan kung paano.
Si Eric Savin (James Badge Dale) ang nakakatakot na alagad ni Aldrich. Arogante, bayolente, at poging kamote si Eric. Hindi pa nakuntento ang mad scientist niyang boss at ipinadala rin ang lukaret na si Ellen Brandt (Stephanie Szostak) para durugin si Tony na noo’y medyo mahina at low-batt pa ang steel suit niya.
Ginamit namang dummy ang tinatawag na The Mandarin (Ben Kingsley) ni Aldrich para mas makapanakot sa presidente at malito ang mga tao. ’Yun pala ay stage actor lang siya na binayaran para umakting na terorista. Pero sa totoo lang, mas epektibo siyang bad guy kesa ’yung sintu-sintong karakter. Kung tutuusin ay medyo nakapangit pa nga ’yung comedy part niya.
Katulad din ni Tony kung minsan na umo-over sa pagiging sarkastiko at suplado lalo na nung nakakutsaba niya ang batang si Harley (Ty Simpkins). Hindi siya mahilig sa bata. Pero kapag seryoso at galit na si Mr. Stark, at lumilipad na bilang si Iron Man, ay natatabunan na ang maliit na kapintasan. Siya na ang superhero na may rock and roll appeal!
Nakaka-enjoy din ang paglabas ng maraming prototype na Iron Man robot ni Tony kahit na nung bandang huli ay nakakalito na. Sineryoso niya kasi ang pagbuo ng maraming “taong bakal†na dati ay si War Machine lang. Ang nasa loob ni War Machine ay ang kaibigan niyang si Col. James Rhodes (Don Cheadle). Tinatawag na siyang Iron Patriot at binago na rin ang kulay para mas magandang i-market kumbaga ng Amerika. Siya at ang iba pang automatic o remote-controlled Iron Man “kalokalike†ang tumulong sa pagsugpo sa kabaliwan ni Aldrich.
Katulad ng hinala ng karamihan, sa tingin ko rin ay hindi pa matatapos sa ikatlong pelikula ang Iron Man. Marvel Comics kaya ’yun. Marami pa silang mapipiga habang tumatabo pa sa takilya ang movie adaptation. Lalo na ngayon na nalagpasan pa raw nito ang kinita ng The Avengers.
At saka nakakabitin din ang ipinakitang action scenes ni Pepper. Hindi pala lampayatot na executive assistant lang ang karakÂter niya. Mukhang coming soon na rin si Iron Woman.
Maghintay pa kaya tayo ng tatlong taon uli para sa Iron Man 4? Nagre-ready na ba si Direk?
* * *
May ipare-rebyu? E-mail: [email protected]
- Latest