Aktor na minamanok ng film executive luhaan sa MMFF
Ang tindi ng fighting spirit ng isang executive para sa isa sa mga talent niya sa pelikulang kasama sa filmfest. Ang laki yata ng bilib niya sa young actor o sadyang wala lang siyang maiturong iba. Basta galing lang sa pelikula nila.
Nung binabanggit kasi ang mga nominado sa nakaraang 38th Metro Manila Film Festival (MMFF) Awards Night, naku, ang lakas ng sigaw niya sa pangalan ng artista niya!
Pero tumawa rin siya pagkasigaw kaya hindi malaman kung seryoso siya o naasar lang dahil na-deadma ang ginawa nilang pelikula.
Puwede ring iniisip niyang may laban sila sa best actor category. Mukhang hindi niya feel ang acting nina Dingdong Dantes, Gov. ER Ejercito, Bembol Rocco, at iba pang na-nominate ng mga hurado.
Direk Brillante hindi pa sumusuko sa kapalaran ng Thy Womb
Ang ganda ng sinabi ni Direk Brillante Ma Mendoza sa nakaraang MMFF Awards Night tungkol sa estado sa takilya ng kanyang pelikulang Sa ‘Yong Sinapupunan o Thy Womb.
“Wag sana kaming ma-pull out (sa mga sinehan),” parte ng speech ng direktor habang tinatanggap ang isa sa mga nakuhang award.
Medyo nasa tonong nagbibiro lang naman siya pero alam niya na ganun nga ang nangyayari sa filmfest entries - dumarami ang nanonood kapag nalamang nagkaroon ng major awards ang pelikula. At kahit may parangal, iba pa rin siyempre ang naibibigay ng mataas na box-office sales.
Mukhang nadagdagan naman ang mga nakakaalam na sa pelikulang pinagbibidahan ni Nora Aunor dahil sa MMF Awards Night. Hindi naman kasi pangkalahatan ang genre ng seryosong pelikula ni Direk Brillante.
Direk Paul, mas mukha pang artista kay JM de Guzman
Larawan pala talaga ng isang disente, mapagkumbaba, at maginoong lalaki si Paul Soriano o mas kilala bilang boyfriend ni Toni Gonzaga.
Mantakin n’yong nagtiis siya ng may isang oras sa kanang gilid na nakadikit sa may dingding ng Meralco Theater habang ginaganap ang awards night? Mag-isa lang siya na katabi ng ilang tagahanga na late dumating kaya walang maupuan.
Naka-tuxedo pa naman si Direk Paul pero hindi siya nagpa-assist sa mga usherette o organizer para magpahanap ng upuan.
Kapuna-puna rin na mas mukha siyang artista kesa sa Kapamilya actor na si JM de Guzman na dumalo na naka-maong pants lang. Kung hindi lang sosyalin at masyadong pormal si Direk Paul, at dahil hindi rin siya kilala ng masa, ay baka dinumog na rin siya ng piktyuran tulad sa aktor na ‘di pala kaguwapuhan.
May ipare-rebyu? E-mail: [email protected]
- Latest