Dingdong may suwerte sa Star Cinema, nakaka-dalawa na sa MMFF
Congrats kay Dingdong Dantes dahil sa pangalawang MMFF Best Actor Award na napanalunan niya para sa One More Try.
Sulit ang malayong biyahe ni Dingdong mula sa Tagaytay City dahil hindi nasayang ang pagpunta niya sa awards night na ginanap sa Meralco Theater noong Huwebes.
Hindi na umabot si Dingdong sa actual awarding ng best actor dahil bumibiyahe pa siya sa C5 ng mga oras na ‘yon pero nabigyan siya ng chance na sabihin ang kanyang acceptance speech.
Wala na sigurong kukuwestiyon sa award ni Dingdong dahil marami ang nagsasabi na magaling siya sa One More Try. Hindi ako magugulat kung sa susunod na taon, magkaroon uli ng filmfest movie si Dingdong sa Star Cinema dahil may suwerte na hatid sa kanya ang MMFF. Para siyang si Ai-Ai delas Alas na binansagan ni Kris Aquino na Reyna ng MMFF dahil pinipilahan sa box office ang lahat ng kanyang mga pelikula na kasali sa MMFF.
Subok na subok ang pagiging mahusay na aktor ni Dingdong. Kung gusto ng pruweba, panoorin ninyo ang Pahiram ng Sandali dahil natural na natural ang acting ni Dingdong bilang Alex, ang lalake na umibig sa mag-ina, sina Lorna Tolentino at Max Collins.
Angel puwede pa sa ibang award giving body
Magaling si Angel Locsin sa One More Try, ayon sa mga nakapanood ng pelikula niya pero mas mahusay si Nora Aunor sa Thy Womb kaya hindi na dapat malungkot ang fans ng una.
Kung walang pelikula si Nora na kasali sa MMFF, sure na sure na si Angel ang mag-uuwi ng best actress trophy. Dapat tanggapin ng mga supporter na mahirap kalabanin sa acting ang isang Nora Aunor. Puwede pa naman na manalo si Angel ng acting award mula sa ibang mga award-giving body sa susunod na taon.
- Latest