Tapatan sa best actor nina ER at Dingdong mainit na naman!
Ngayon ilalabas ang totoong resulta sa takilya ng mga pelikula na nagbukas kahapon sa mga sinehan.
Magkakaalaman ngayon kung alin sa walong pelikula na official entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2012 ang tunay na tinangkilik at pinilahan ng sambayanang Pilipino.
Malalaman sa ending ng filmfest ang mga pelikula na nanguna at nangulelat sa takilya pero kadalasan, hindi na isinusulat ang mga nasa huling puwesto bilang respeto.
Nagbabago ang trend, depende rin sa resulta ng awards night. Nadaragdagan ang mga nanonood ng pelikula na idineklara na best film.
Last year, pinilahan ng todo ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story nang humakot ito ng awards sa gabi ng parangal. Inaabangan kung gagawa uli ng kasaysayan sa MMFF ang El Presidente ni Gov. ER Ejercito bilang ang pelikula niya ang best film noong nakaraang taon.
Nominated si Gov. ER sa best actor category ng MMFF at nominated din para sa nasabing kategorya si Dingdong Dantes na bida sa One More Try.
Mauulit na naman ang pagtatapat ng dalawa dahil noong 2011, pareho silang nominated sa best actor category at si Dingdong ang nag-win. Naging kontrobersiyal ang statement ni ER tungkol sa tagumpay ni Dingdong pero para kay Kris Aquino ang kanyang mga emote.
Hindi na si Kris ang co-star ni Dingdong sa One More Try kaya hindi na mabibigyan ng ibang kahulugan kung sakaling siya uli ang mag-take home ng best actor trophy.
Bong pupunta ng Compostela Valley
Magiging maligaya ang showbiz press kapag nag-No. 1 uli sa MMFF ang Si Agimat, si Enteng Kabisote, at Si Ako dahil baka maisipan uli ng mga producer ng pelikula na magkaroon ng thanksgiving party.
Kaligayahan ni Sen. Bong Revilla, Jr. na makita na masaya ang entertainment press kaya tuwing may hit movie siya, hindi niya nakakalimutan na mag-share ng blessings.
Nakagayak si Bong na pumunta bukas sa Compostela Valley dahil mamamahagi siya ng tulong sa mga biktima ni Typhoon Pablo. Balikan si Bong dahil bukas din ang awards night ng Metro Manila Film Festival. It’s a must na dumalo siya sa awards night bilang suporta sa MMFF.
Bagong Taon naman ang pinaghahandaan!
Tapos na ang Pasko kaya ang pagpasok naman ng Bagong Taon ang pinaghahandaan ng buong mundo.
May mga tao na mas pinahahalagahan ang Bagong Taon kesa Pasko dahil iba ang kanilang mga relihiyon.
Kung ang mga mall ang pinupuntahan ng mga tao bago sumapit ang Pasko, ang mga supermarket at palengke ang dinarayo ng lahat para sa mga pagkain na ihahanda nila sa medya noche.
- Latest