Kaya walang mapili kung sino ang mas matindi: Dingdong hindi nagbilang ng love scenes kina Angelica at Angel
Hindi masagot ni Dingdong Dantes kung sino ang mas magaling sa dalawang leading ladies niya na sina Angel Locsin at Angelica Panganiban sa One More Try.
“Kanya-kanya sila ng edge. They’re not the same. Walang mas magaling sa kanila. May kanya-kanya silang baon kumbaga, so, they are great actresses in their own right,” safe na sagot ni Dong.
Kanino siya mas maraming love scenes?
“Hmmm, hindi po ako nagbilang eh,” nakangiti niyang tugon. “Pero hindi ko rin naman alam kung alin ang masasama roon at kung alin ang mapuputol kaya hindi rin natin masabi kung kanino talaga mas marami.”
Last year ay si Dingdong ang itinanghal na best actor sa Metro Manila Film Festival awards night para sa pelikula niyang Segunda Mano. This time ba ay may chance na muli niya itong masungkit?
“Naku, hindi ko naman iniisip ’yan. Ang importante naman, ’yung nagawa ko ang trabaho ko,” sagot ng Kapuso actor.
Pero kung ang direktor nilang si Ruel Bayani ang tatanungin, proud siya sa kanyang mga artista sa One More Try at lahat ay may laban sa acting award.
Bilib siya kay Dingdong na napaka-professional at talagang ibinigay din ang lahat ng makakaya para sa pelikula.
MasterChef finalists dream magtayo ng sariling resto
Natutuwa naman kami sa isa sa finalists ng MasterChef Pinoy Edition na si Lilibeth na kasalukuyang naninilbihan bilang kasambahay sa Cubao, Quezon City. Aniya, nang first time niyang makita ang host na si Judy Ann Santos, sobrang na-starstruck siya at hindi makapaniwala.
“Parang ang bait niya kasi ’pag nagko-comment siya, sinasabi niya ’yung nalalasahan niya pero hindi siya agad…parang in a nice way niya sinasabi,” sabi ni Lilibeth.
Ang paulit-ulit nga na tanong sa kanya ng entertainment press na bumisita sa finalists sa tinitigilang bahay sa Antipolo, Rizal ay aalis na ba siya sa pinaglilingkurang amo kapag nanalo siya ng grand prize na P1M?
Naging honest naman si Lilibeth na ’yun naman daw ang napag-usapan nila ng amo at naintindihan siya nito.
Well, oo nga naman. Kahit sino naman ang nasa posisyon niya siguro ay ganun din ang gagawin dahil pagkakataon na nga naman ito para umasenso.
Ayon kay Lilibeth, kapag siya ang pinalad na tanghaling grand winner ay magtatayo na lang siya ng maliit na restaurant.
Karamihan sa finalists na tinanong namin ay pagtatayo ng restaurant o coffee shop ang gagawin sa kanilang P1M sakaling palarin nga silang manalo.
Pero kakaiba si JR dahil gagamitin daw niyang panggastos sa kasal ng live-in girlfriend niya ang perang mapapanalunan if ever.
Sa ngayon ay 13 finalists na lamang ang natitira sa reality cooking show. Hu-ling na-eliminate si Cons Osorio last Friday.
Coco Martin paboritong aktor ni Nancy Binay
Hiningan namin ng opinyon ang anak ni Vice President Jejomar Binay na si Nancy Binay kung ano ang masasabi niya sa mga artistang pumapasok sa pulitika at say niya ay wala naman siyang against dito as long as may kakayahan ang mga ito na magsilbi sa bayan.
Marami rin tayong artista na naging magagaling na pulitiko tulad na lamang nina Sen. Bong Revilla, Jr., Sen. Jinggoy Estrada, to name a few.
Kahit nasa pulitika, showbiz na showbiz din si Nancy dahil say niya ay favorite actor niya si Coco Martin at walang palya nilang pinapanood ng mga anak niya ang Walang Hanggan noong umeere pa ito.
Paborito rin daw ng mga anak niya ang Princess and I teleserye kaya naman nahahawa rin siya at nakikisabay siya sa panonood ng mga ito.
Tulad ng kanyang ama, hindi na rin nakaiwas si Nancy sa tawag ng politics dahil tatakbo siyang senador sa 2013 elections at isa sa mga plano niya sa entertainment world ay bigyan ng murang pabahay ang mga nasa showbiz industry via PAG-IBIG loan.
|
- Latest