Top 15 ng Masterchef malalaman na
MANILA, Philippines - Matapos maantig ang buong bayan sa kani-kanilang personal na kwento, sinimulan nang salain ang 40 magagaling na kusinero ngayong linggo sa nagbabagang sagupaan sa kusina para makapasok sa opisyal na Top 15 cooks ng kusina-seryeng MasterChef Pinoy Edition. Dadaan silang lahat sa iba’t ibang uri ng Inspiration Challenge gamit ang mga alaala o inspirasyon sa kanilang nakaraan o mga mahal sa buhay sa paghahanda ng kanilang putahe.
Siyam na ang pinangalanang pasok sa Top 15 noong Lunes (Nov. 26), Martes (Nov. 27), at kahapon (Nov. 28) kabilang na ang negosyanteng si Carla, ang kasambahay na si Betty, si Sonny Boy na sumikat sa kanyang darak cookies, ang pulis na si Lito, ang call center agent na si Reggie, ang estudyanteng si Gian, ang nurse na si Ivory, ang maybahay na si Maureen, at ang accounting associate na si Myra.
Sino sa nalalabing 16 na kusinero ang papasa sa panlasa nina Judy Ann Santos-Agoncillo, Chef Ferns, Chef Lau, at Chef Jayps? Anong putahe kaya ang magdadala sa kanila papalapit sa titulong kauna-unahang Pinoy MasterChef? Kaninong pangarap ang unti-unting mabibigyan ng katuparan?
Samantala, patuloy pa ring namamayagpag sa ratings ang kusina-serye at patunay nga nito ang datos ng Kantar Media noong Lunes (Nov. 26) kung saan nakakuha ito ng 16.5% na national TV rating, malayo sa nakuha ng Face to Face ng TV5 (7.1%), at Cielo de Angelina (6.4%) at Nay-1-1 (4.2%) ng GMA 7. Patuloy na subaybayan ang MasterChef Pinoy Edition mula Lunes hanggang Biyernes, 10:30 a.m. bago ang Be Careful with My Heart sa Umaganda block ng ABS-CBN at ang tuwing Sabado, 10 a.m. bago ang Be Careful with My Heart: Saturday Rewind.
- Latest