VP Sara: Legal team naghahanda na vs impeachment trial

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Vice President Sara Duterte na pinaghahandaan na ng kanyang legal team ang napipintong pagdaraos ng pagdinig laban sa impeachment complaint na kanyang kinakaharap sa Senado.
Ayon kay VP Sara, bago pa man maganap ang pag-aresto sa kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte ay nabuo na ang legal team na hahawak ng kanyang impeachment.
“So, on that point, okay na sila and they are preparing for trial,” pahayag pa ni VP Sara, sa panayam sa telebisyon.
Kahit naman nalalapit na ang pagdinig sa impeachment complaint na inihain laban sa kanya, sinabi ng bise presidente na hindi pa niya maaaring iwanang mag-isa ang kanyang ama sa The Netherlands hanggang hindi pa pinal kung sinu-sino ang magtatanggol sa kanya sa kinakaharap na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
“Ang dito lang kasi sa ICC, hindi pa mabuo ‘yung team kasi we are waiting for papers for other lawyers,” aniya.
“So ‘yun yung kailangan kong matapos at kailangan kong ma-introduce ‘yung lawyer in charge for PRRD inside and the outside world doon sa mga kapatid ko and sa kay Cielito, para pwede na akong bumalik sa Pilipinas at bumalik na lang dito kapag kailangan,” aniya pa.
- Latest