Bagong Bonifacio at Katipunero

SA Lunes, ipagdiriwang natin ang ika-163 kaarawan ng bayaning si Andres Bonifacio, ang nagtatag ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan na nagsulong ng rebolusyon laban sa Emperiong Kastila noong 1896.

Kilala ang Katipunan bilang KKK. Inialay ni Bonifacio at ng mga Katipunero ang kanilang buhay para makamit ang tatlong KKK--kasarinlan, kalayaan, at katarungan. Sinakop ng Espanya ang Pilipinas sa loob ng mahigit sa 300 taon, inagaw ang kasarinlan nito bilang isang bansa, binusalan ang karapatan ng mga mamamayan, at namuno sa pamamagitan ng karahasan at pang-aapi.

Makalipas ang 130 taon matapos isulong ni Bonifacio at ng mga Katipunero ang rebolusyon laban­ sa mga mananakop, tatlong KKK din ang namamayagpag sa lipunang Pilipino--ang katiwalian, kamangmangan, at kahirapan. Hangga’t hindi napupuksa ang tatlong KKK na ito, mananatili ang Pilipinas na kahabag-habag, katawa-tawa, at kahina-hinayang.

Ang katiwalian ay tila sagad na sa buto sa maraming Pilipino. Ito na ang kalakaran, sa halip na eksemsiyon; mas madalas, kaysa paminsan-minsan. Tila wala ng ahensiya ng gobyerno na hindi tiwali. Bakit naghahari ang katiwalian? Sapagkat nakikipagkutsabahan ang pribadong sektor sa talamak na katiwalian. Walang makakatanggap ng lagay kung walang naglalagay. Nitong nakaraang dekada, tinatayang umaabot sa mahigit P8.8 trilyon ang nawala sa kaban ng bayan dahil sa katiwalian, ang pinakamalala sa ating kasaysayan. Ayon sa National Economic and Development Authority, ang halagang ito’y sapat na upang makapagpatapos ng 198 high impact infrastructure flagship projects na mag-aahon sa Pilipinas sa taguring, ‘‘The Sick Man of Asia.’’

Isa sa ugat ng katiwalian sa Pilipinas ay ang dinastiyang pulitikal na kinasasangkutan ng 250 pamilya na kumokontrol sa pulitika sa lahat ng probinsiya. Dahil sa dinastiya, may konsentrasyon ng kapangyarihan, walang mahigpit na check and balance, laganap ang katiwalian at nepotismo. May napanood akong isang comedy. Tinanong ang isang tiwaling Kongresista kung hanggang ka­ilan siya mananatili sa puwesto. Ganito ang sagot niya, ‘‘Hangga’t nananatiling mangmang ang mga botante.’’ Nakakatawa, pero puno ng katotohanan. Pinananatili ng kasalukuyang sistema at kul­tura ang kamangmangan ng mga mamamayan upang manatili sa kapangyarihan ang mga dinastiya. Dahil sa katiwalian at kamangmangan, nananatiling mahirap ang maraming Pilipino.

Para magkaroon ng tunay na bagong Pilipinas, ang katiwalian ay dapat mapalitan ng katapatan; ang kamangmangan ng kamulatan; at ang kahirapan ng kasaganaan. Katapatan, kamulatan, at kasaganaan, ito ang tatlong KKK na dapat ipaglaban ng bawat Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas.

Hindi pa tapos ang laban ni Bonifacio at mga Katipunero. Kailangan natin ang mga makabagong Bonifacio at Katipunero na magsusulong ng rebolusyon laban sa katiwalian, kamangmangan at kahirapan.

Sa tulang «Pag-ibig sa Tinubuang Lupa,» wika ni Bonifacio, «Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala...Walang mahalagang hindi inihandog ng pusong mahal sa bayang nagkupkop, dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod, buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.»

Pinatotohanan ni Bonifacio at ng mga Katipunero ang huling pananalita sa ating pambansang awit, «Ang mamatay ng dahil sa iyo.» Ito ang uri ng pagmamahal na kailangan ng Pilipinas upang makalaya sa katiwalian, kamangmangan, at kahirapan.

Show comments