Tres Queridas (61)

TAHIMIK sa loob nang masikip na silid sa itaas ng lumang bakery, halos maririnig ang mahinang ugong ng cooling fan ng laptop. Nakatutok ang mga mata nina Celeste at Diana sa 4K live feed ng makipot na eskinita sa likod ng Reyes Express Remittance & Pawnshop.

Lahat nang piraso ay nakalagay na sa tamang puwesto. Sa kabilang dako ng lungsod, matagumpay na naitatali ni Jack ang atensiyon ni Carlo sa pekeng safe house. Sa totoong safe house, mahimbing at ligtas na nagpapahinga si Lani sa ilalim nang mahigpit na bantay. At dito sa Maynila, nakakalat na sa paligid ng eskinita ang mga undercover security detail ng ama ni Celeste, nagpapanggap na mga barker ng jeep, tindero ng sigarilyo, at drayber ng tricycle—naghihintay lang ng isang hudyat upang isara ang bitag.

Sa unang pagkakataon, ramdam nila Diana at Celeste ang bigat ng kapangyarihan sa kanilang mga kamay.

“Malinis ang perimeter,” sabi ni Diana habang sinusuri ang anggulo ng mga camera sa screen. “Kapag lumabas si Carlo sa bakal na pintong ‘yan pagsapit ng alas-dos, wala na siyang tatakbuhan.”

Tumango si Celeste. Inabot niya ang tasa ng kape sa gilid ng mesa, ngunit bago pa man dumampi ang kanyang mga daliri sa tasa, biglang nag-vibrate ang kanyang cell phone sa bulsa. Isang maikling, matinis na tunog ang bumasag sa tahimik na kuwarto. Napatingin si Celeste sa screen. Ang numerong lumabas ay ang direktang linya ng pinagkakatiwalaang executive assistant ng kanyang ama, isang linyang tumatawag lamang kapag may matinding emergency.

Kumunot ang noo ni Celeste. Pinindot niya ang accept at itinapat ang telepono sa kanyang taynga. “Hello?”

Hindi niya natapos ang sasabihin. Mula sa kabilang linya, bumuhos ang magulong ingay ng mga nagmamadaling yabag, ugong ng sirena, at ang humihingal, halos mabasag na boses ng tauhan ng kanyang ama.

“Ma’am Celeste... Ma’am...”

Nanigas ang likod ni Celeste. “Bakit? Anong nangyari?”

“Ang Daddy mo po, Ma’am. Bigla na lang siyang bumagsak sa loob ng office niya kani-kanina lang. Isinugod na namin siya sa emergency room ngayon mismo.”

Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig ang katawan ni Celeste. Sa isang iglap, nawala ang ingay ng mga jeepney sa labas ng bakery at tila umikot ang buong silid. (Itutuloy)

Show comments