ILANG oras bago sumikat ang araw, nagpadala ng lihim na miyembro ng security detail si Celeste upang sunduin si Jack mula sa pekeng safehouse at dalhin ito sa isang neutral at secure na function room sa parking complex ng totoong safehouse.
Nang pumasok si Jack sa silid, bakas sa kanyang mukha ang pagtataka at ang pormal na pag-aalala. Ngunit bago pa man ito makapagsalita, inilapag ni Diana sa gitna ng glass table ang isang maliit na plastic sachet. Sa loob niyon, dahan-dahang kumukurap ang pulang ilaw ng active micro-GPS tracker.
“Nakuha ‘yan sa mismong lining ng bag ni Lani,” panimula ni Celeste. “Isang magnetic tracker na nakakabit sa kanya bago pa man tayo pumunta sa Isla Balod.”
Napatitig si Jack sa maliit na aparato. Sa isang segundo, nagliwanag ang kanyang mga mata habang unti-unting nauunawaan ang buong sitwasyon.
“Kaya n’yo ako inilagay sa safehouse na ‘yun kahit hindi naman doon dinala si Lani...” mahinang tango ni Jack, may kasamang bahagyang respeto sa boses.
“Akala natin nagtatago tayo, pero sa buong biyahe, bukas ang mga mata ni Carlo sa bawat galaw natin. Pero nagbago na ang laro ngayon. Hindi na kami tatakbo at magtatago.”
Tumingin si Celeste nang diretso sa mga mata ng bodyguard. Wala na ang takot at alinlangan; napalitan na ito ng tapang at awtoridad.
“Kailangan ka namin, Jack. Pero hindi na bilang bodyguard habang nagtatago kami sa likod mo,” mariing sabi ni Celeste. “Gusto kong manatili ka sa pekeng safehouse kasama ang security team ng tatay ko. Iwan n’yo ang bag ni Lani roon. Panatilihin n’yong convincing ang decoy. Kailangang manatiling kampante si Carlo na naroon si Lani at kontrolado niya ang sitwasyon.”
Bahagyang napangiti si Jack, isang mabilis at pormal na pagkilala sa matalinong maniobra ng dalawa.
“Naiintindihan ko po, Ma’am Celeste,” sagot ni Jack “Ako ang bahala doon. Isusumpa ko sa inyo na hindi makahalata ang sinumang nagmamatyag sa labas ng bahay.”
“Mabuti,” pagtatapos ni Diana. “ Sasabihan ka namin kapag nakapuwesto na kami sa susunod naming target.”
Sa pag-alis ni Jack pabalik sa pekeng safehouse, nagkatinginan sina Celeste at Diana. Naitakda na ang mga tauhan sa chessboard. Handa na silang gumawa ng sariling unang hakbang sa pagtugis kay Carlo. (Itutuloy)