Tres Queridas (35)
BUMAGAL ang ferry hanggang sa tuluyan itong sumadsad sa konkretong gilid ng pantalan. Habang unti-unting sumisikat ang araw, bumungad sa kanila ang isang simpleng komunidad, mga nakapilang maingay na traysikel na nag-aabang ng pasahero, maliliit na sari-sari store na nagtitinda ng mainit na kape, at mga lokal na payapang naghihintay sa pag-uwi ng kanilang mga kamag-anak. Mabagal at tahimik ang buhay rito, tila isang bayang napag-iwanan ng modernisasyon ng siyudad.
“Ang tagal ko na ring hindi nakakauwi rito,” nakangiting sabi ni Lani kahit kita sa mukha nito ang pagod at puyat.
“Kapag natunton na natin ang Carlo na ‘yun, ipasyal mo kami sa mga tourist spots dito,” biro ni Celeste.
Bahagyang natawa si Diana. “Naging instant bakasyon pa nga ang paghahanap sa lalaking nanloko sa atin.”
Nagsimulang magbabaan ang mga pasahero. Upang hindi mahirapan ang buntis, binuhat ni Celeste ang mabigat na duffel bag ni Lani. Maingat namang inalalayan ni Diana si Lani sa braso pababa sa bakal na hagdanan.
Habang nakaalalay si Diana kay Lani, napansin niya ang isang lalaki na kasabay nilang bumaba ng barko. Nauuna ito sa kanila. Nakasuot ito ng itim na baseball cap at facemask. Palingun-lingon ito sa kanilang tatlo.
Ituturo sana ito ni Diana kay Celeste ngunit sa kalagitnaan ng paghakbang nila sa gangplank, biglang napahinto si Lani at napakapit nang mahigpit sa braso ni Diana. Nabitawan nito ang shoulder bag at mahigpit na napahawak sa umbok na tiyan.
“A-Ate...” mariing daing ni Lani, kasabay ng biglaang panginginig ng kanyang mga tuhod.
Napasinghap si Diana at mabilis na sinalo ang dalaga bago pa ito tuluyang mawalan ng balanse pababa. “Lani! Bakit? Anong masakit?” bakas ang matinding panic sa boses nito.
“Ang puson ko po... parang may humihila pababa,” naiiyak na sagot nito. Namutla ang kanyang mga pisngi at mabilis siyang pinagpawisan nang malamig. Nakapikit siya, sapo ang tiyan dahil sa pamimilipit.
Napasigaw na si Celesete at humingi na ng tulong sa mga staff ng ferry nang may makitang dugo sa binti ni Lani.
(Itutuloy)
- Latest



















