Tres Queridas (30)
UMALINGAWNGAW ang mahabang busina ng pampasaherong barko sa buong daungan ng San Ildefonso. Mag-aalas tres pa lang ng madaling-araw. Gising na gising ang diwa nina Diana, Celeste, at Lani habang nakatayo sa open deck ng ferry.
Kagabi, matapos umamin ni Lani tungkol sa plano nila ni Carlo na magtago sa Isla Balod, nagkaroon sila nang mainit na pagtatalo sa loob ng SUV. Gusto sanang iwan nina Diana at Celeste ang buntis sa Maynila. Ngunit sa unang pagkakataon, nagmatigas si Lani.
“Hindi niyo kabisado ang lugar na ‘yun,” katwiran ni Lani. “At isa pa, kapag nakita kayo ni Carlo roon, mararamdaman niyang na-set up siya at tatakas ulit ‘yon. Kailangan n’yo ako.”
Kahit labag sa kalooban ni Diana dahil sa panganib, napilitan silang pumayag. Alam din ni Celeste na tama ang lohika ng pinakabatang asawa, kailangan nila ng pain para tuluyang lumabas si Carlo mula sa lungga nito.
Ngayon, magkakasama ang tatlong queridas sa iisang barko.
Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa kanilang mga mukha. Walang gustong magsalita. Nakatingin lang sila sa madilim na karagatan habang patuloy na binabagtas ng barko ang tahimik na dagat. Nakakakilabot ang ironiya ng sitwasyon. Ilang linggo pa lang ang nakararaan, umiyak sila para sa iisang lalaki na akala nila’y nilamon ng dagat. Ngayon, nakasakay sila sa isa na namang barko upang habulin ang lalaking iyon.
“Kinakabahan ako,” basag ni Lani sa katahimikan. Namumutla ang mga labi nito habang pinagmamasdan ang galaw ng tubig sa ibaba.
Humakbang si Diana palapit at hinawakan ang balikat ng dalaga, isang tahimik na pagbibigay ng lakas.
Sa kabilang gilid, nakasandal si Celeste. Nakahalukipkip ito at malamig ang tingin sa unahan. “Ang Isla Balod ang isa sa mga unang lupa na binili ng tatay ko bago pa lumaki ang kompanya,” mahinang sabi ni Celeste, tila kinakausap ang sarili. “Kung bakit doon piniling magtago ni Carlo... iyon ang aalamin natin.”
Sa di-kalayuan, unti-unting nahawi ang manipis na hamog sa ibabaw ng dagat kasabay ng unti-unting pagliliwanag. Malapit nang pumutok ang araw. Mula sa dilim, sumilip ang isang isla. Tahimik, hiwalay sa kabihasnan, at tila may nagtatagong panganib. Ang Isla Balod. (Itutuloy)
- Latest




















