Pagharap sa super El Niño

Sa rami ng isyung ating kinakaharap bilang isang bansa, tulad ng impeachment trial kay VP Sara at maanomalyang mga flood control projects, hindi natin masyadong napag-uusapan ang isang papalapit na trahedya--ang super El Niño kung saan dahil sa paghina ng trade winds o easterlies ay nabubuo o nadaragdagan ang init ng tubig sa gitna at silangan ng Pacifico.

Ayon sa Climate Change Commission, may 79 porsyentong tsansa na ang super El Niño ay tatama sa Pilipinas mula Oktubre ng taong ito hanggang kalagitnaan ng 2027, kung saan ang init na nadarama ay maaaring umabot ng 45 hanggang 50 degrees Celcius, na ang ganitong init ay maaaring magresulta sa heatstroke. Sobrang delikado ang mga lugar na kulang o walang puno. Mahalaga kahit ang mga lumot, dahil kung walang puno, damo, at lumot, ang sobrang init ay sasaluhin ng mga hayup at tao.

Ano ang mga pinsalang idudulot ng super El Niño? Matinding tagtuyot sa isang lugar at maaaring malalang pagbaha sa iba bunga ng matinding pag-ulan. Pagkasira ng mga pananim. Taggutom. Krisis sa tubig at enerhiya. Pagkasunog ng kagubatan. Pilipinas ang tinatayang isa sa mga bansang malubhang tatamaan ng super El Niño.

May masasawi ba? Ayon sa University of Chicago’s Climate Impact Lab, tinatayang 6,500 Pilipino ang masasawi dahil sa heat stroke, heart attack, at iba pang sakit bunga ng sobrang init. Ito ang dahilan kung bakit ang buong mundo’y naghahanda sa pagdating ng super El Niño.

Lubos kaya ang paghahanda ng ating gobyerno? Sapat kaya ang impormasyong naipararating sa mga mamamayan? Sa anumang trahedya at kalamidad, napakahalaga ng pagiging handa, bagamat kahit nakahanda ay hindi pa rin lubos na maiiwasan ang masamang epekto ng mga ganitong sitwasyon.

Walang bansang exempted sa pagdating ng trahedya at kalamidad. Pero daig tayo ng ibang bansa sa punto ng paghahanda. Isang halimbawa ay ang Japan, hindi dahil sa ito’y mayamang bansa, kundi dahil ang mga mamamayan nito’y nagkakaisa, disiplinado, makabayan, at handang magsakripisyo alang-alang sa kanilang bansa. Higit sa lahat, iginagalang at sinusunod nila ang kanilang mga lider bilang ehemplo ng pagiging mabuting mamamayan.

Hindi naman ang mga trahedya at kalamidad ang malaki nating problema. Ang malaki nating problema’y ang kawalan ng pagkakaisa bilang isang bansa, kawalan ng mga lider na makapag-iisa sa mga mamamayan, at kawalan ng malasakit ng mga mamamayan na makatulong sa kalutasan ng mga pambansang problema. Lahat ng wala ay mayroon tayo.

Tayo’y pinagwawatak-watak ng pulitika, relihiyon, edukasyon, at kabuhayan. Nahahati tayo sa iba’t ibang kulay: may pink, may dilaw, may pula, may berde, at mayroon pang bahaghari. Kung may pagkakaisa, ang mabigat ay gumagaan; kung wala, ang magaan ay bumibigat. Wika ni Hesus, anumang kaharian o sambahayang nagkakahati-hati ay tiyak na babagsak.

Hindi natin makita mula sa ating matataas na lider ang ehemplo ng tunay na katapatan at pagmamahal sa bansa. Ang dalawang pinakamataas na lider ng ating bansa ay isinasangkot sa mga katiwalian. Marami sa ating mga Senador ay iniuugnay sa bilyung-bilyong pisong anomalya.

Hindi lamang super El Niño ang ating haharapin o ang lubhang kinatatakutang “The Big One.” Humaharap din tayo sa mga lider na tila inilubog ng baha o sinunog ng init ang amor propio, palabra de honor, at delicadeza!

Show comments